Monday , December 23 2024

Mabilis na pagdami ng mga naghihirap

BUMULUSOK daw sa mahigit 15 porsiyento ang ibinagsak ng popularidad ni Pres. Rodrigo “Digong” Duterte sa pinakahuling survey na mukhang ikinataranta ng Palasyo at mga kaalyado ng administrasyon.
Ayon sa survey, malaking porsiyento raw sa ibinagsak ng popularidad ni Pres. Digong ay mula sa “Class E” o hanay ng mga maralita na nawawalan ng bilib sa pangulo.
Ang pagkadesmaya ng mga maralitang umaasa sa administrasyon ni  Pres. Duterte ay magsisilbing pampalakas ng kanyang mga kalaban.
Tiyak na ang paghina ni Pres. Duterte sa masa ang gagamiting puhunan ng mga politikong trapolitiko na gusto siyang manipulahin at impluwensiyahan ang kanyang pamamalakad sa pamahalaan.
Ang pagbagsak ng popularidad ni Pres. Digong sa mga maralita ay pabor din sa interes at kapakanan ng mga dupang na negosyante, switik na oligarchs at mga sindikato na nagpapahirap sa bansa.
Tiyak na sasamantalahin nila ang sitwasyon para sa kanila sumandal si Pres. Digong, kesohadang dumausdos pa nang todo ang kanyang popularidad, kapalit ng mga pabor.
Subukan kayang ikutin nang palihim ni Pres. Digong ang Maynila sa hatinggabi at ibang lungsod sa Metro Manila para malaman ang mabilis na pagdami ng natutulog sa kalsada at baka sakaling maunawaan ang tunay na kalagayan ng mga kababayan niyang maralita na napapabayaan.
Napanood na nating nangyari ‘yan sa mga sinundang administrasyon ni Pres. Duterte.
‘Pag nagkataon, bigo na naman si Juan dela Cruz…

MGA PIPITSUGIN SA PCOO
NAKASISIRA KAY DIGONG

Ang mas lalong nakababahala, si Pres. Duterte ay napapaligiran ng mga kung ‘di man mapagkakatiwalaan ay inutil at walang silbi na nakapasok sa kanyang administrasyon.
Isa na ang tanggapan ng Presidential Communication Operations Office (PCOO) na pinatatakbo ng mga pipitsugin na bukod sa wala na ngang naitutulong ay nakasisira pa sa pangulo.
Ilang beses na bang nagkalat ng katangahan si Sec. Martin Andanar at ang kanyang mga kasama sa PCOO na wala namang alam para gampanan ang kanilang responsibilidad na makatulong bilang mouthpiece ng administrasyon at ng pangulo?
Gustohin man nating bilangin ang mga kapalpakan ni Andanar at ng mga tulad niyang pipitsugin sa PCOO ay aksayang-konsumo lang sa espasyo ng pitak na ito kung atin pang iisa-isahin.
Kahit ang mga kaalyado sa politika ay PCOO ang sinisisi sa pagbagsak ng popularidad ni Pres. Digong.
Mahigit isang taon nang nagpapanggap na may alam si Andanar at ang mga mediocre na kasama niya sa PCOO pero hanggang ngayon ay wala pang sinabing tama, na ultimo simpleng logo ng Department of Labor and Employment (DOLE) ay binaboy.
Kung tutuusin, malaki ang budget ng PCOO at sa pasilidad pa lamang na hawak ni Andanar ay sobra-sobra para gampanan ang kanilang trabaho.
Mahigit isang taon na si Andanar at ang kanyang mga garapata sa PCOO ay wala man lamang nagawang improvement sa mga ahensiya na hawak nila.
Ang PTV-4 ay hindi pinapanood ng publiko dahil wala namang kuwenta ang mga programa kaya malaking pera ng gobyerno ang nasasayang sa elektrisidad pa lamang.
Isang kalupitan sa manonood na tutukan ang mga programa ng PTV-4 na wala namang katorya-torya.
Hawak din ng PCOO ang sangkaterbang himpilan ng Philippine Broadcasting Service (PBS) sa buong bansa na pinatatakbo ng Bureau of Broadcast pero wala namang nakikinig.
Hindi nga natin alam kung nasawata na ang malaking katarantadohan sa pagpapasuweldo ng mga personnel sa mga hindi naman gumaganang himpilan ng PBS sa malalayong probinsiya.
Dati nang nabulgar ang nawawaldas na pondo ng PBS sa kunwa-kunwariang pagbili ng piyesa para sa mga transmitter na hindi naman gumagana.
Tulad ng PTV-4, ang mga himpilan ng PBS ay hindi tinatangkilik ng publiko dahil walang kabuluhan ang mga programa na walang naitutulong kay Pres. Digong at sa kanyang administrasyon.
Kaya kung bilib pa rin si Pres. Digong sa mga kumag na tropa ni Andanar sa PCOO, sa susunod ay ‘wag na siyang magtaka kung bakit bumagsak ang kanyang popularidad.

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG
ni Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *