Friday , November 15 2024

Walang kuwentang rigodon sa Customs

MAAGA pa para husgahan ang liderato ni retired Gen. Isidro S. Lapeña bilang bagong commissioner ng Bureau of Customs (BOC).

Pero gusto man natin magtagumpay ang pamahalaan sa pagsugpo ng katiwalian ay mukhang malabong matupad ni Gen. Lapeña ang misyon na malipol ang “tara system” sa Customs.

Nagpalabas kamakailan ng Customs Personnel Order (CMO) si Gen. Lapeña para sa re-assignment ng 15 Section Chief ng Manila International Container Port (MICP) at Port of Manila (POM).

Ang CMO na may petsang September 27, 2017 ay may imprimatur o approval ni Department of Finance (DOF) Sec. Carlos Dominguez.

Ang mga opisyal na kasama sa rigodon, 9 mula sa MICP at 6 mula sa POM, ay ipinatapon sa malalayong Customs port.

Pero ang ipinagtataka natin ay bakit hindi kasama sa CMO na inilabas ni Gen. Lapeña ang mga opisyal at empleyado ng Customs na pinangalanang tumatanggap ng tara mula sa mga smuggler na ikinanta ni “broker” Mark Ruben Taguba sa imbestigasyon ng Kamara at Senado?

Hindi tuloy natin alam kung nagpapasiklab lang si Lapeña at ginawang “collateral damage” o “palit-ulo” sa mga opisyal at empleyado ng Customs na ipinagwagwagan ni Taguba sa imbestigasyon ng Kamara at Senado.

Sentido-kumon lang na kung sa ibinulgar ni Taguba na tara system naniniwala si Gen. Lapeña, hindi ba’t ang mga mismong pinangalanan ang kanyang dapat ipinasibak sa puwesto.

Walang iniwan ‘yan sa pulis na napag-utusan ng kanilang mga opisyal kaya nangongotong.

ACEVEDO AT SEVILLA
BAKIT ‘DI SINISIBAK?

KABILANG sa mga itinuro ni Taguba na kumukolekta ng tara sa kanya si Maita Acevedo, ang mismong hepe ng formal entry division (FED) sa MICP.

Gaano ba katindi ang impluwensiya ng padrino ni Acevedo na hindi kayang banggain ni Gen. Lapeña?

Hindi rin kasama sa mga tinamaan ng CMO ni Gen. Lapeña si Toto Sevilla, ang hepe ng Section 5 sa POM.

Kung ‘di tayo nagkakamali ay siya ang tinukoy ni Sen. Panfilo Lacson na sinasabing malakas pumusta at limpak-limpak kung magpatalo sa sugal na sabong at casino.

Si Sevilla ay nasibak sa serbisyo dahil sa katiwalian pero kung paano siya nakabalik sa Customs ay isang malalim na misteryo.

ENRILE, FAROLAN
AT PARAYNO DAPAT
TULARAN NI LAPEÑA

NOON pa man ay may mga retiradong opisyal na ng militar ang naitalagang mamuno at humawak ng mataas na puwesto sa Customs pero sa magkahiwalay na liderato lamang nina retired Gen. Ramon Farolan at dating Phil. Navy Commander Guillermo Parayno sa panahon nina dating Pang. Ferdinand E. Marcos at dating Pang. Fidel V. Ramos naging maayos ang pamamalakad sa Customs, ang itinuturing na pinakatiwaling ahensiya ng pamahalaan.

Sa panahon nina Farolan at Parayno noon ay dinatnan na nilang umiiral ang “tara system”, pero ‘di tulad sa ibang administrasyon na talagang wagas at sobrang garapalan.

Bukod sa dalawa, hinangaan din ang walang sinasantong liderato ni dating Senate president Juan Ponce “Manong Johnny” Enrile noon sa Customs laban sa “political patronage” o “padrino system.”

Ang nakabibilib noon, kahit daw mga mambabatas ay binoboldyak ni Manong Johnny palabas ng kanyang opisina sa Customs, lalo’t ang sadya sa kanya ay para umarbor at pumadrino.

Kaya naman marami ang humanga kay Manong Johnny at napabilib niya pati si yumaong Pang. Marcos na kalaunan ay nagtalaga rin sa kanya bilang kalihim ng Department of Justice (DOJ).

Kung hindi kayang sagupain ni Gen. Lapeña ang political patronage na pangunahing sanhi ng katiwalian sa Customs ay imposible rin na malipol ang tara system.

Magtatagumpay si Gen. Lapeña kung tutularan niya ang klase ng naging pamamalakad noon nina Enrile, Farolan at Parayno.

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG
ni Percy Lapid



About Percy Lapid

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *