SINUMBATAN ni Philippine National Police (PNP) chief Ronald “Bato” dela Rosa ang mga pumupuna sa kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.
Tinawag ni Gen. Bato na “ingrato” ang mga aniya’y kritiko na ayon sa kanya ay nakikinabang sa peace and order na idinulot ng war on drugs.
Pero hindi kombinsido si Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III sa peace and order na ipinangangalandakan ni Bato at panunumbat sa mga kritiko ng kriminalidad.
Ayon sa mambabatas na kaalyado ni Pang. Rodrigo “Digong” Duterte, hindi katanggap-tanggap ang bilang ng mga ‘di nalulutas na pagpatay.
Tinukoy ni Pimentel ang 6,225 drug-related deaths na kanyang ibinase sa mismong datos na rin ng PNP.
Sabi ni Pimentel, “Criminals are being emboldened by what they see as the incompetence of the PNP in catching them.”
Ani Pimentel, “The Filipino people deserve a modern, professional, and capable police force. Right now, the PNP is none of the above. We need to take radical action to change this state of affairs.”
Ibig sabihin, kahit si Pimentel ay walang kabilib-bilib sa liderato ni Bato sa PNP.
Sakaling nakalilimot si Gen. Bato, dapat siyang paalalahanan na ang public service ay isang “thankless job.”
Ang mamamayan ay walang dapat tanawing utang na loob sa sinomang nasa pamahalaan dahil may bayad at mga benepisyong kapalit ang kanilang pagseserbisyo, hindi libre.
Kung tutuusin, si Gen. Bato ang dapat tumanaw ng utang na loob dahil wala sana siya sa kanyang matayog na kinalalagyan ngayon kung ‘di dahil sa mamamayan.
Huwag sanang kalimutan ni Gen. Bato na mula sa kanyang pagpasok hanggang siya’y makatapos sa Philippine Military Academy (PMA) ay utang na loob ‘yan na dapat niyang tanawin sa mamamayan.
Aminin o hindi, kaya naging hepe ng PNP si Gen. Bato ay dahil kay Pang. Digong na nagtalaga sa kanya sa puwesto.
Kung ‘di siguro si Pang. Digong ang ibinoto ng nakararaming mamamayan ay wala ngayon sa kanyang puwesto si Gen. Bato, lalo’t kung susundin ang mga dapat ipatupad na pamantayan sa PNP tulad ng seniority.
Kaya tungkulin lang ng pulisya na protektahan ang kaligtasan ng publiko at pangalagaan ang katahimikan ng bansa.
BAGONG ANTI-GRAFT BODY
PIRMADO na ni Pang. Digong ang Executive Order (EO) No. 4 na lumilikha sa Presidential Anti-Corruption Commission, isang tanggapan na mag-iimbestiga sa mga presidential appointees at iba pang empleyado sa pamahalaan.
Ang PACC ay pamumunuan ng isang chairman at apat na commissioner na direktamenteng tutulong sa pangulo na mag-imbestiga sa kasong may kinalamaan sa mga katiwalian.
Ang PACC ay halos nakakatulad ng dating Presidential Anti-Graft Commission (PAGC) noong panahon ni dating Pang. Gloria Macapagal-Arroyo na hindi naman natin nabalitaang gumana o may naisagawang imbestigasyon.
Pero ayon sa Palasyo, ang PACC ay may kapangyarihan na magsagawa ng lifestyle check sa mga presidential appointees at empleyado, kasama ang Government Owned and Controlled Corp.
Nakadepende ang kredibilidad ng PACC sa mga itatalagang mamuno ng tanggapan na dapat ay may malinis na track record.
PANAWAGAN NG OFW
KAY PRES. DIGONG
JASMIN ADRIANO (Hong Kong)– “Good afternoon po sa inyo mahal naming Pangulo Rodrigo Roa Duterte. Ako po ay lumalapit sa inyo at humihingi ng tulong para sa aking anak na si Melchor Adriano, kasalukuyan po siyang naka-confine sa Ospital ng Manila dahil sa pagkakabaril sa kanya ng isang ‘di kilalang lalaki, riding in tandem po. Hirap po siya sa kanyang kalagayan ngayon dahil sa mga tinamo niyang bala sa katawan sa Bgy. 574 zone 56. Humihingi po ako ng tulong at proteksiyon para po sa kanyang kaligtasan. Kaawaan n’yo po siya, ginamit po siyang asset ng mga pulis at nakatulong naman po siya, bigyan n’yo po siya ng pagkakataon na magbago. ako ay isang domestic helper dito sa Hong Kong.
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG
ni Percy Lapid