MULA nang ilunsad ang drug war ng administrasyong Duterte, bumilis ang paglobo ng inmates na inilalagak sa mga detention cell ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Sa opisyal na bilang, 150,000 lang umano ang kayang i-accommodate ng 400 BJMP jail sa buong bansa at ‘yang bilang na ‘yan ang mayroong opisyal na budget.
Ang budget ng bawat preso ay P60/araw na katumbas ng tatlong kain.
At kung hindi ito maaalalayan, ang huling kuwarto ng 2017 ay lilikha ng ‘hunger camp.’
Ayon mismo kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto, ang kasalukuyang P2.32 billion food allowance ng BJMP ay para sa 106,280 bilang ng preso.
Sa datos pa rin ni Senator Recto, ang mga preso na nahaharap sa kasong paggamit, pagtutulak at paggawa ng ilegal na droga o shabu ay umabot na sa 97,300 at patuloy na tumataas dahil sa tuloy-tuloy na anti-drug war operations ng administrasyong Duterte.
Sa pagkokompara nga ni Senator Recto, ‘yang bilang na ‘yan ng mga preso ay katumbas na ng anim na Araneta Coliseum.
Wattafak!
Sana kung gaano kabilis mag-operate ang mga anti-illegal drugs operative, ganoon din kabilis mag-isip ang mga taga-BJMP kung paano magmamantina nang maayos na kulungan at kung ano ang gagawin nila para mapakain nang masustansiya at sustenido ang mga preso.
Mantakin ninyo, kung titingnan ang pagkain ng mga preso, napakamiserable ng kanilang kalagayan na lalabas na P20 bawat kain. Pero ‘yang miserableng kalagayan na ‘yan ay katumbas pa ng P2.32 bilyones?!
BJMP Acting Chief, C/Supt. Deogracias Tapayan, Sir, alam namin na bago lang po kayo riyan. Pero siyempre, hindi naman puwedeng rason ‘yun lalo’t ikaw ang pinakamataas na opisyal diyan ngayon.
Ang tanong lang po natin Gen. Tapayan, handa na ba kayo sa nagbabantang kagutuman ng mga preso kung hanggang sa katapusan ng Oktubre ay umabot sa 150,000 ang inmates sa 400 kulungan ng BJMP?!
Hindi kaya katakot-takot na riot ang harapin ninyo kapag nangagkagutom ang mga preso sa ilalim ng inyong responsibilidad?!
Ano sa palagay ninyo Gen. Tapayan?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com