TAHIMIK na tahimik ang sinehan na seryosong nanonood ng drama sa pelikulang New Generation Heroes nang pumasok ang eksena ni Debraliz Valasote na gumanap na principal sa kanilang eskuwelahan. Kinakausap niya ang isang teacher na isinumbong sa kanyang may problema sa pagtuturo, at ang kanyang assistant.
Palagay namin nag-adlib nang husto si Debraliz, dahil iba ang dating ng kanyang mga dialogue sa kabuuan ng script ng pelikula. Mukhang gumawa siya ng sarili niyang linya, pero umugong ang napakalakas na tawanan sa loob ng sinehan dahil sa kanyang mga dialogue at sa kanyang pag-arte.
Kung minsan, iyon ang sinasabing “comic relief” dahil kung masyadong heavy ang drama ng pelikula, nakababagot din kung tuloy-tuloy, kailangan din ang comic relief. Ganoon din naman sa comedy, hindi puwedeng comedy all the way, kaya kung napapansin ninyo, kadalasan ay nagsisingit din sila ng mga eksenang drama.
Mahuhusay naman ang lahat halos ng mga artista sa New Generation Heroes. Ok naman si Aiko Melendez. Mahusay si Jao Mapa. Pero ang talagang mas lumutang sa pelikula ay si Debraliz dahil sa iilang eksena lamang na ginawa niya at ang betaranang aktres na si Anita Linda, na bagamat 93 na ay napakagaling pa ring umarte.
Riyan sa pelikulang iyan, makikita mo ang kahusayan at ang kaibahan talaga ng mga beteranong artista. Si Aiko ay nabatak nang husto ang acting sa TV noong bata pa siya at maging star ng isang drama anthology ng Regal. Si Jao naman ay napakahusay talaga simula pa noong una. Una naming napanood si Jao sa isang TV drama na hindi niya maintindihan ang trabaho ng tatay niya bilang isang payaso. In the end, naunawaan niya iyon at siya ay naging isang payaso rin.
Napakahusay ni Jao sa drama na iyon na napanood namin sa unang pagkakataon, kaya noon pa, sinasabi na naming isa siyang mahusay na actor talaga.
HATAWAN
ni Ed de Leon