ITINURO ng taxi driver na sinasabing hinoldap nina Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo De Guzman, ang dalawang pulis na siyang bumaril kay Arnaiz.
Sa pagdinig sa Senado, sinabi ng taxi driver na si Tomas Bagcal, kitang-kita niya nang barilin nina PO1 Jeffrey Perez at PO1 Ricky Arquilita si Arnaiz habang nagmamakaawa at nakaluhod.
Naunang isinalaysay ni Bagcal, makaraan nilang mahuli sina Arnaiz at De Guzman kasama ang tricycle driver na tumulong sa kanya, agad nilang dinala ang dalawa sa Caloocan police community precinct malapit sa 5th Avenue, kasama ang isang nagpakilalang barangay tanod.
Pagdating sa presinto, ipinasok si Bagcal sa isang kuwarto at sinabi sa kanya ng isang pulis na itumba na lang ang mga suspek ngunit sinabi ng driver na ini-turn over lamang niya ang dalawa.
Sinabi ng pulis na lalabas sila at isinakay ang dalawang suspek, at kasama ang isang alyas Lakay o Raras na isang kababayan sa Ilocos.
Aniya, sinabi ni Lakay sa salitang Ilokano na ayaw ba niyang mabawasan ang mga nanghoholdap sa mga taxi driver.
Hindi sinagot ito ni Bagcal dahil tila galit na si Lakay.
Pagdating sa Dagat-dagatan ibinaba sina Arnaiz at De Guzman at sinundan nila ang dalawang nakamotor na nakasibilyan.
Pagkabuwelta ay nakita ni Bagcal na nakaluhod si Arnaiz habang nagmamakaawa ngunit binaril nina PO1 Perez at PO1 Arquilita.
Itinuro sa pagdinig ni Bagcal sa Senado ang dalawang pulis na umano’y bumaril kay Arnaiz ngunit wala sa pagdinig ang isang pulis na si alyas Lakay o Raras.
(CYNTHIA MARTIN)