MUKHANG nagkamali tayo nang purihin natin itong si Valenzuela City Police Chief Col. Ronaldo Mendoza sa kanyang kampanya laban sa ilegal na droga. Hanggang ngayon kasi, patuloy na lumalakas ang kalakalan ng droga sa Valenzuela, at mukhang walang ginagawang matinong trabaho itong si Mendoza.
Kung ambisyon talaga nitong si Mendoza na tumaas ang ranggo at maging heneral dapat ay kumilos siya at seryosohin ang kampanya laban sa droga. Ang mahirap kasi, mukhang nasa loob lang siya ng kanyang air-conditioned room at pakuya-kuyakoy.
Nasaan na ang sinasabi nitong si Mendoza na sa street pushing o low value operation nakatuon ang kanilang kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot? Bakit hanggang ngayon, lalong lumalala ang bentahan ng droga sa mga barangay sa Valenzuela City?
Kung hindi alam ni Mendoza, iisa-isahin natin ang mga barangay sa Valenzuela City na maituturing na talamak pa rin ang kalakakan ng droga. Ilan sa mga barangay na ito ang Arkong Bato, Gen. T. De Leon, Karuhatan, Ugong, Mapulang Lupa, Paso de Blas, Marulas, Punturin at Malinta.
Nasaan ang ipinagmamalaki nitong si Mendoza na volunteers na siyang tutulong sa mga pulis para mahuli ang mga user at pusher sa mga barangay? Baka naman naging adik na rin ang mga volunteer dahil lalo lamang lumala ang droga sa Valenzuela.
Kung ganito ang trabaho ni Mendoza, mabuting sibakin na sa kanyang puwesto ni Chief PNP Ronald “Bato” De la Rosa. Nakahihiya dahil mukhang salungat ang ginagawa niya sa programa ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte.
Pati tuloy si Mayor Rex Gatchalian ay nadadamay dahil lamang sa kapalpakan nitong si Mendoza. Hindi ito nakatutulong para maiangat ang imahen ng Valenzuela City bagkus nakasisira sa magagandang programa ni mayor.
Malaking problema talaga ang kinakaharap ngayon ng Valenzuela City dahil sa usapin ng ilegal na droga. Ang nakapagtataka ay kung bakit hindi rin kumikilos ang mga politiko sa mga nasabing barangay.
Ano ang ginagawa ng mga konsehal, barangay chairman at Sanggunian Kabataan sa kani-kanilang barangay na nasasakupan para masugpo ang nasabing problema sa droga? Ang hirap kasi, sa halip na unahin ang kapakanan ng kanilang constituents, higit na binibigyan ng pansin ang kanilang pamomolitika.
At payo naman natin kay Mendoza, kung talagang gusto pa niyang manatili sa kanyang puwesto, ayusin niya ang kanyang trabaho at umpisahang kalusin ang naglipanang mga adik at pusher sa Valenzuela City.
SIPAT
ni Mat Vicencio