SA TINGIN ng marami ay hindi dapat balewalain ang lumalaking bilang ng napapaslang sa kampanya ni President Duterte laban sa ipinagbabawal na droga.
Noon ay sinasabing adik at tulak ng droga ang nasasawi pero nitong huli ay may kabataan na rin. Halimbawa rito ang 17-anyos na si Kian delos Santos na lumabas sa awtopsiya na hindi lumaban sa pulis na pumaslang sa kanya.
May naniniwalang malaking dagok sa lipunan kung patuloy itong magaganap at magsasawalang-kibo lang ang publiko.
Nagbabala si Caloocan Bishop Pablo Virgilio David na mas delikado pa sa pagpatay ng mga adik at suspek sa droga ang “pagkitil ng konsensiya” ng mga tao sa isang bansa na karamihan ng naninirahan ay mga Katoliko. Ito raw ang simula ng pagtanggap na tama ang isang maling gawain.
Bilang obispo, ang kawan na hawak ng 58-anyos na si David na susunod na vice president ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ay Caloocan.
Ito ang kontrobersiyal na lugar na pinaninirahan at kinasawian ni Delos Santos at napatay rin ang 19-anyos na si Carl Arnaiz na inakusahang nanlaban sa mga humuhuling pulis matapos mangholdap ng taxi. Batay sa awtopsiya at testigo ay hindi ito lumaban sa arresting officers nang paslangin.
Ang galit ng sambayanan ay nakatutok sa Caloocan City police na inaakusahang nag-frame up at pumaslang sa nasabing mga kabataan.
Tungkulin ni David na pag-ingatan ang Diocese of Caloocan na ipinagkatiwala sa kanyang pangangalaga.
Ayon sa iba, kapag ang mga tupa ay sinasakmal at nilalamon na ng mga gutom na lobo ay dapat itigil o hadlangan umano ng pastol ang mga pamamaslang.
Pambihirang tapang ang ipinakikita ni David sa pagtatanggol sa kanyang mga pinangangalagaan, lalo na sa pinakamahihina na tinutugis at kailangan niyang ipagtanggol, kaya mahal siya ng mga taga-Caloocan.
Sinasabing mahigit 14,000 Filipino na ang nasawi sa mga operasyon na isinagawa ng pulisya at sa mga kamay ng mga walang awang vigilante.
Maaaring lumalala talaga ang pagsama ng ugali ng marami. Dahil sa modernong panahon ay madaling ipaalam ang damdamin at sama ng loob ng isang tao sa kanyang kapwa sa social media kung saan sila nagsasagutan, nagmumurahan at nagpapalitan ng maaanghang na salita.
Pero para sa Firing Line, ang pagbalewala sa lumalaking bilang ng mga napapaslang ay higit na nakababagabag dahil hindi lang ito pagkitil sa konsensiya kundi pagkitil sa ating pagkatao bilang mga nilalang.
Kung mabubuhay tayo nang walang pagpapahalaga sa buhay ng ating kapwa ay para saan pa ang ating pagiging tao?
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.