KUNG maayos ang pamamahala ng isang punong lungsod, paborable rin talaga na sila ang pumili ng kanilang chief of police (COP) at iba pang opisyal ng pulisya para hindi sila nasisilat at lalong hindi naibubulid sa kapahamakan.
Gaya nitong nakaraang insidente sa Caloocan City na pumutok hindi lamang sa buong bansa kundi maging sa ibang bahagi ng mundo lalo’t ang mga magulang ng mga biktimang sina Kian delos Santos at Carl Angelo Arnaiz ay kapwa overseas Filipino workers (OFWs).
Isang malaking sakit ng ulo sa isang punong lungsod gaya ni Mayor Oscar “Oca” Malapitan ang nangyaring ‘yan sa Caloocan City.
Ilang chief of police na ba ang nasibak dahil sa trabaho ng mga scalawag na pulis-Caloocan?! Una si Senior Supt. Johnson Almazan, kasunod nito si Senior Supt. Chito Bersaluna.
Kung matagal-tagal na rin sigurong nakaupo bilang hepe si Senior Supt. Jemar Modequillo, baka nasibak na rin siya pagputok ng insidenteng pinasok ng mga police scalawag ang isang bahay sa Tala, Caloocan City na ninakawan ng cellphones at cash na P30,000.
Ang tanong: saan kaya nakapagkukubli ang mga pulis na scalawag sa Caloocan City, at hindi sila tinatamaan ng paglilinis ng Philippine National Police (PNP)?
Bukod sa naging Best City Police Station ang Caloocan Police Station, nagawaran rin ang local government unit (LGU) ng Seal of Good Housekeeping at Seal of Good Local Governance.
Hindi magagawaran ng ganyang karangalan ang isang siyudad kung hindi nagsisikap ang LGU executives sa kanilang pamumuno.
Ngunit dahil sa sunod-sunod na insidente ng pagyurak sa peace and order at human rights halos matunaw sa kahihiyan si Mayor Oca.
Pero sabi nga, life must go on, hindi naman puwedeng magmukmok na lang si Mayor Oca at pirming sumirit ang kanyang blood pressure.
Ang pinakahuling aksiyon ni Mayor Oca ay mahigpit na ipatupad ang curfew hours lalo sa hanay ng mga kabataan.
Sa pamamagitan nito, hindi man tuluyang matuldukan, ay matumbok ang mga tunay na target sa drug war.
Sa kasalukuyan, sinibak na ang buong puwersa ng Caloocan police at pinalitan ng mga pulis mula sa Malabon, Navotas at Valenzuela.
Sa mga scalawag na isinailalim sa imbestigasyon at nahaharap sa tuluyang pagkakasibak sa serbisyo, sana naman ay mapanagot din sila sa ilalim ng umiiral na batas.
Kay Mayor Oca, go for the real change, Sir!
TULOY ANG LIGAYA
NG MGA TSERMAN
NA ILEGALISTA
NGAYONG tuluyan nang nabinbin ang eleksiyon para sa Barangay at Sangguniang Kabataan (BSK) tiyak na masayang-masaya at nagpipiyesta ang mga barangay chairman na mayroong inaalagaang kailegalan.
Sabi nga, tuloy ang ligaya!
Habang gustong-gusto na ng mga residente na matanggal sa puwesto ang mga barangay chairman na abusado, tiwali at protektor o operator ng iba’t ibang uri ng ilegal na gawain na nagsusustina ng kanilang bulsa, tila nagpapapadyak at nagsasasayaw naman sa tuwa at ligaya ang mga ilegalistang punong barangay.
Higit sa lahat, ang mga constituent ang nakaaalam kung anong punong barangay o tserman mayroon sila.
Kaya nga, mas gusto nilang magkaroon ng eleksiyon kaysa ma-postpone.
Pero, wala tayong magagawa, nagdesisyon na ang mababa at mataas na kapulungan ng Kongreso na iliban ang BSK elections hanggang sa 2018.
Umaasa tayo na magsisilbi ang nasabing pagpapaliban ng eleksiyon sa layunin ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na tuluyang lumutang o matukoy ang mga barangay officials na sangkot o protektor ng ilegal na droga.
For the meantime, sabi nga e, bantayan mabuti ang bawat komunidad at tulungan ang matitinong awtoridad na sugpuin ang mga ilegalista.
‘Yun lang.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap