ISA sa malalang problema ng bansa ay ang isyu ng kalusugan. Marami pa rin sa ating mga kababayan, partikular sa mga kanayunan, na hanggang ngayon ay hindi pa yata nakararanas magpatingin sa doktor kung nagkakasakit, o kaya ay nalalapatan ng angkop na lunas sa sakit na dinarama.
Paano pa kaya tutugunan ng gobyerno ang patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng mga may kanser, kung ang ordinaryong sakit ay hindi pa nga nabibigyang pansin? Paano na kung ang isang mahal mo sa buhay, kapamilya o kaibigan ay may iniindang kanser, at wala kang pera na ipangtutustos dito?
Ayon sa datos ng Cancer Coalition of the Philippines, may 11 bagong kaso ng kanser ang naitatala kada araw, at sa bawat araw rin ay may naire-rekord na walong bata at pitong matatanda ang namamatay sa ganitong uri ng sakit.
Hindi naman malinaw kung ang mga naitalang may kanser ay mula sa may mga kayang pamilya o sila na mga walang-wala.
Gayonman, hindi mahalaga kung ano pang antas sa lipunan ang tinatamaan ng ganitong uri ng sakit, ang mahalaga ay mabigyang pansin ng pamahalaan ang patuloy na pagdami ng bilang ng mga Filipino na nagkakasakit o nagkakakanser, at kung paano maitataas ang bilang ng survivorship at hindi ang bilang ng namamatay dahil sa kanser.
Buhay ang pinag-uusapan dito, kaya dapat bigyang pansin ito ng pamahalaan para ang mga Pinoy na biktima ng kanser ay mabigyang pansin at pangangalaga.