INAALAM ng mga awtoridad ang dahilan ng pagkamatay ng daan-daang ibong Maya sa isang lugar sa Malolos, Bulacan.
Sa ulat, sobrang nabahala ang mga residente dahil sa dami ng namatay na maya sa kanilang lugar.
Isa sa kanilang hinala, baka nagkaroon ng Avian influenza ang mga ibon dahil sa nangyaring bird flu outbreak sa ka-tabing probinsiya ng Pampanga.
Kaya ang nangyaring insidente ay agad nilang ipinaalam sa Bulacan Provincial Veterinary Office.
Ayon sa Provincial veterinarian doctor na si Voltaire Basinang, wala pang naitatalang kaso ng bird flu sa mga ibong Maya kaya hindi dapat mabahala ang mga residente.
Ang isa sa hinihinala niya ay posibleng may nagsaboy ng pesticide sa lugar na naging dahilan ng pagkamatay ng mga ibon.
Gayonman, inaalam ng mga kinauukulan ang tunay na sanhi ng pagkamatay ng maraming ibon na ngayon lang nangyari sa lalawigan.
ni MICKA BAUTTISTA