HINDI maikakailala na higit na malaki ang bilang ng mga anti-Duterte demonstrator na nagtungo sa Rizal Park kung ikomkompara sa rally na isinagawa ng mga pro-Duterte sa Plaza Miranda.
Halos umabot sa 8,000 ang mga demonstrador na nagtungo sa Luneta kung ihahambing ito sa 500 demonstrador na nasa Plaza Miranda. Marami rin ang nagsasabing ang mga nagtungo sa pro-Duterte rally ay bayad at hakot, samantala ang mga anti-Duterte ay may prinsipyo at may ipinaglalaban.
Kung titingnang mabuti, masasabing unti-unting lumalakas ang “mass movement” laban sa pamahalaan ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte. Kung dati kasi ay “mabibilang sa daliri” ang mga demonstrador na kontra kay Digong, ngayon ay kabaligtaran na ito.
Nawawala na ba ang popularidad ni Digong?
At nasaan na rin ang ipinagmamayabang nitong si Benny Antiporda, isa raw sa mga organizer at board member ng SBMA, na meron siyang 50,000 raliyista na magtutungo sa Plaza Miranda?
Drawing!
‘Yan kasi ang napapala ng mga mahilig pumapel. Kung hindi naman kasi talagang marunong sa organizing work, manahimik na lang dahil tiyak na hindi mapapanindigan ang salitang binibitiwan.
Kaya nga, lumalabas na naungusan na ng anti-Duterte group ang kasalukuyang administrasyon sa usapin ng propaganda dahil na rin sa dami ng lumahok na raliyista sa Luneta.
Nawala na ‘yung libo-libong supporter ni Digong.
Ang masakit pa nito, umulan lang nang bahagya, nagtakbohang pauwi ang mga demonstrador na nasa Plaza Miranda bitbit ang kinanaw na sabaw at lugaw.
Samantala, ang mga raliyista na nasa Luneta ay nagpatuloy ang programa, hindi natinag kahit mabasa sila ng malakas na buhos ng ulan.
At nasaan na rin ang mahigit 200,000 demonstrador na nagtungo at nag-vigil noon sa Luneta para tapatan ang grupo ng mga dilawan nang gunitain ang EDSA People Power Revolution? Umabot lamang sa 1,500 ang mga anti-Duterte na lumahok noon sa People Power monument.
Nakalulungkot, dahil mukhang ang ‘kinang’ ni Digong sa taongbayan ay unti-unting naglalaho. At walang ibang dapat na sisihin dito kundi ang mga walang silbi at palpak na nakapalibot kay Digong kaya nangyayari ito ngayon sa kanyang pamahalaan.
Halos magdadalawang taon pa lamang si Digong sa kanyang puwesto pero sa itinatakbo ng kanyang panunungkulan, mukhang mahihirapan siyang makatapos ng kanyang termino.
Sana ‘wag mangyari ang pinangangambahan ko na sa mga susunod na buwan ay magsunod-sunod pa ang mga ilulunsad na malawakang kilos-protesta hanggang tuluyang mawala sa puwesto si Digong.
SIPAT
ni Mat Vicencio