DAPAT ay walang sisihan, pero dapat ay magsagawa ng malawakan at komprehensibong pagtatasa ang Philippine National Police (PNP) kung ano na ang antas ng anti-drug war na isinusulong ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte.
Bakit kailangan ng malawakan at komprehensibong pagtatasa sa drug war imbes sisihin ang PNP?
Kasi binabansagan nang anti-poor ang drug war ng Pangulo. Bukod sa mga dukha ang biktima ng tokhang at double barrel ni PNP chief, Director General Bato dela Rosa, nagkaroon pa ng mga biktimang gaya nina Kian delos Santos, Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo de Guzman.
Sila ‘yung mga pumutok, pero sa mga nakaraang operations ng PNP, marami na rin ang naiulat na itinumbang kabataan.
Hindi tuloy natin maintindihan kung sino ba talaga ang nananabotahe sa drug war ni Tatay Digong.
Kung tutuusin, ang target talaga ng Pangulo ay ‘yung mga big fish. Kaya nakapagtataka kung bakit sa araw-araw ay may napapabalitang itinutumba sa mahihirap na komunidad na hindi maintindihan kung user o pusher o nadamay lang.
Sa ibinunyag na drug matrix ni tatay Digs nitong Biyernes, lumalabas na ang mga narco-politicians sa Lanao del Sur ang nagpopondo sa Daesh ISIS inspired Maute terrorist group.
‘Yan umano ang dahilan kung kaya tumagal ang bakbakan sa Marawi City. Kung hindi tayo nagkakamali ay halos apat na buwan na.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella kahapon, ang narco-politicians sa Lanao del Sur drug matrix na ibinunyag ni Pangulong Duterte ay nasagasaan nang todo sa inilunsad na drug war ng administrasyon.
Kabilang sa mga tinukoy ng Pangulo sa matrix ang pamilya Parojinog sa Ozamiz City, at si dating Marawi City Mayor Fahad “Pre” Salic, isang Filipino-Chinese businessman na ang anak na babae’y kasal kay Johary Abinal (ex-husband ni Johaira “Marimar” Abinal), FM Muslimen Macabatok, Mayor Noron Dadayan (Buadiposo Buntong), Mayor Hadji Jamal Abdulsalam (Mulondo), Bonbola Radiamoda (Bayang, Lanao del Sur), Ansari Saripada Radiamoda (Lilod, Madava, Marawi City), Vice Mayor Noridin Adiong (Ditsaan, Ramain), Rangaig Mamarinta (Provincial Board Member, 1st District, Lanao del Sur) at Parahiman Batawi Ronda (Samer, Butig), Acong Domato at Haj Taha Abdullah (Barangay Baropit, Picong), at Gona Romoros Aba Saguiran (Barangay Bubong, Saguiran, Novaliches,Quezon City).
Mantakin ninyo kung gaano kalaki ‘yan?!
Nadurog ang Marawi, ilang mamamayan, mga sundalo at pulis ang nagbuwis ng buhay? Ilang babae ang nabiyuda? Ilang bata ang naulila? Ilang mga magulang ang nawalan ng gabay sa kanilang pagtanda?
At ‘yan ay dahil sa salot at demonyong ilegal na droga.
Gen. Bato Sir, maging matalas ka sana sa anti-drug war ng Pangulo. Huwag mo na payagang masabotahe pa ito.
‘Yun lang, Gen. Bato!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap