LUMITAW sa pag-aaral kamakailan na ang dahilan ng fatal stranding ng 29 balyena noong 2016 ay sanhi ng tumitinding solar activity, partikular ang enerhiyang sumasabog mula sa haring araw na kung tawagin ay mga solar flare.
Ayon sa mga siyentista, maaaring makaapekto sa sperm whale navigation ang mga magnetic wave na nagmumula sa mga solar storm kung kaya marami sa mga nasabing uri ng balyena ang nababalahaw sa dalampasigan na nagreresulta sa kanilang kamatayan.
Nitong nakaraang buwan lang, sumabog mula sa araw ang isang uri ng solar storm, na kung tawagin ay isang coronal mass ejection (CME), batay sa ulat ng National Space Weather Prediction Center.
Ipinaliwanag na inihahagis ng mga CME ang charged plasma at magnetic fields mula sa ibabaw ng araw patungo sa mundo, na nagiging dahilan ng mga fluctuation sa magnetic field ng daigdig. Ginagamit ang geomagnetic field ng mga migratory animal, tulad ng sperm whales, ibon at mga pagong sa dagat para sa paglangoy sa karagatan.
Ang posibleng dahilan ng pagkamatay ng mga sperm whale nitong nakaraang taon ay lumilitaw na naganap sa pagitan ng 8 Enero at 4 Pebrero, nang matagpuan ang bangkay ng 29 lalaking sperm whale (Physeter microcephalus) sa dalampasigan ng Alemanya, Pransya, Gran Britanya at Netherlands.
Sa autopsy ng 22 sa mga nasawing balyena, nakitang malulusog at walang sintomas ng sakit kaya sadyang pinag-aralan ang sanhi ng kanilang hindi inaasahang pagpanaw.
Walang mapatunayang dahilan dito, hinihinala ng mga researcher na malaki ang posibilidad na scrambled navigation systems ang dahilan ng pagka-stranded ng mga balyena.
(Tracy Cabrera)