TAMA bang sabihin ni Ilocos Norte Rep. Rudy Fariñas na hindi dapat hulihin ang isang congressman kung makasasagasa ng isang tao? At kahit na sugatan pa, hindi dapat istorbohin ang kongresista, dapat ay pakawalan sila para makadalo sa Kongreso.
Ito mismo ang pahayag ni Fariñas, “Halimbawa, e, nakasagasa. Nasugatan ‘yung tao. ‘Pag nagpakilalang congressman ‘yan, e ‘di saka na hulihin!”
Ibang klase!
Mukhang nahihibang na itong si Fariñas.
Naturingang mambabatas pero mukhang pulpol kung mag-isip si Fariñas. Dapat niyang malaman na ang makabundol ng isang tao ay isang bagay na dapat panagutan sa batas.
Higit na mahalaga ang buhay ng isang tao kung ikokompara sa mga ginagawang kapalpakan ng mga mambabatas sa Kamara. Bakit mo patatakasin ang isang kongresista kung nakagawa ng paglabag sa batas?
Hindi dahil may parliamentary immunity ang kongresista ay magagawa na nilang labagin ang mga patakaran at batas sa mga lansangan. Ang gustong mangyari ni Fariñas ay hindi lamang basta special treatment para sa mga kongresista kundi isang lantad na pagmamalabis sa kanilang kapangyarihan.
Hoy, mahiya ka naman Fariñas!
Ang dami nang kapalpakan ni Fariñas, at tiyak pupulutin na sa kangkungan kapag tapos na ang kanyang termino. Ang ibig sabihin, wala na siyang political career, kaya ngayon pa lang mukhang nagwawala na siya at kung ano-anong iminumungkahi sa Kamara.
Kung si Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ay ginagawa ang simpleng pamumuhay bakit kaya hindi ito magawa ni Fariñas. Sabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella, “Kailangang mamuhay nang simple ang mga kongresista at iwasan ang special treatment.”
At dahil sa palpak na mungkahi ni Fariñas, bugbog-sarado siya sa mga netizen pati na rin sa mga kapwa niya kongresista. Sabi pa ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, “Lalo lamang nitong pinatitingkad na may batas sa may kapangyarihan at wala sa karaniwang tao.”
At ito pa ang sabi ni Fariñas: “Pag nagpakilalang congressman siya at maipakitang talagang congressman, huwag n’yong dalhin sa presinto. Kasi ‘pag dinala sa presinto, hindi na siya makapagpe-perform ng kanyang functions.”
Pahabol ni Fariñas: “Kung sasabihin niya na importante ‘yung hinahabol niya sa Kongreso, makikita n’yo naman ‘yun. Asikasohin n’yo na para matugunan namin ang aming trabaho.”
Bukod kang pinagpala, Fariñas!
SIPAT
ni Mat Vicencio