KAGABI ginanap ang advance screening para sa isang linggong episode ng The Good Son sa Dolphy Theater at dahil advance ang deadline naming ito ay hindi pa namin maikukuwento kung sino ang napuri nang husto pagdating sa pag-arte sa mga bidang anak na lalaki na sina Nash Aguas, Mckoy De Leon, Jerome Ponce, at Joshua Garcia.
Isama na rin ang mga leading lady nilang sina Alexa Ilacad, Eloisa Andalio, at Elise Joson.
Hindi na namin kukuwestiyonin ang acting ng mga beteranong artistang kasama rin sa The Good Son na sina Eula Valdez, John Estrada, Mylene Dizon, Ronnie Lazaro, Alex Medina, Liza Lorena at may special participation si Albert Martinez.
Sa blogcon ay tinanong ang pitong bagets kung ano ang reaksiyon nila kapag ikinompara sila sa isa’t isa in terms of acting at kung may sapawan ba sa exposure.
Si Mckoy ang unang nagsalita, “wala na po sa isip ko ‘yun kasi nabigyan kami ng mga role actually hindi lang kaming apat, lahat naman nabigyan ng iba’t ibang character at mas inisip po namin na mabigyan ng justice ‘yung character namin. At kung ikukompara kami, siguro magiging proud na lang kami sa isa’t isa kasi nasa iisang show kami, mas maganda sigurong magtulungan na lang kaysa magkomparahin.”
“Para po sa akin, siguro ‘yung mga pagko-compare ay normal na lang sa mga tao siguro na hindi po maiwasan, pero lahat po kasi kami rito magkakaiba ang character namin,” sabi naman ni Eloisa.
Katwiran naman ni Alexa, “I think being compared kahit sa boys is a normal thing people will always compare you especially since magkaka- same age kami as teen stars but it’s not really something that gets to us anymore, actually a normal thing for us, we just let it pass thru the other ear and it doesn’t affect us. Since we’re really friends like genuine friends we don’t believe in the comparison that other people say.”
Say naman ni Nash, “hindi naman po ako naapektuhan na ikompara kina Mckoy, Joshua, at Jerome kasi marami na rin naman akong teleseryeng nagawa, mapi-feel mo sa ibang teleserye na nagkakaroon ng parang kompetensiya, pero rito po (The Good Son) kasi, sobrang ganda niyong script, sobrang hirap ng mga role namin, may mga unique silang pinaghuhugutan talaga kaya rito kami nag-improve at nandito kami para magtulungan.”
At si Joshua, “tama po si Nash, hindi po talaga maiwasang ma-compare, pero kasi hindi na kami magpapaapekto sa mga ganoon kasi masaya kami na may trabaho kami, masaya kami sa ginagawa namin at hindi namin iniisip na makikipag-kompetensiya kami sa isa’t isa. Normal na po ‘yung kompetensiya, ‘yung show maganda.”
Ang The Good Son ay handog ng Dreamscape Entertainment mula sa direksiyon nina Manny Palo at Andoy Ranay na mapapanood na sa Setyembre 25, Lunes, pagkatapos ng La Luna Sangre.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan