NAINSULTO kaya si Transportation Secreatry Art Tugade nang sumakay sa habal-habal (motorsiklo) si Undersecretary for Road Transport & Infrastructure at concurrent Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Thomas “Tim” Orbos sa layuning malusutan ang matinding traffic at makarating nang maaga sa kanyang dadaluhang pulong?
‘Hinambalos’ daw kasi ng sermon ni Secretary Tugade si GM Tim dahil sa pagsakay sa habal-habal o mga motorsiklong namamasahero. Lumalabas daw kasi na parang kinokonsinti ng opisyal ang bawal na sistema ng transportasyon.
“I was really bothered if not alarmed by the statement of Usec. Orbos, naghabal-habal siya,” ani Tugade nang dumalo sa paglagda ng isang Memorandum of Agreement (MOA) para sa Toll Collection Interoperability, na isinagawa sa lungsod ng Taguig.
Sinabi ni Tugade, ang ginawa aniya ni Orbos ay isang uri ng “unbecoming official” ng DOTr.
“I don’t like it, Mr. Orbos. We should not at all allow or encourage the use of habal-habal,” diin ni Tugade.
Parang kauna-unawa naman ang punto ni Secreatary Tugade.
Masama nga namang tingnan (sana hindi na lang sinabi ni GM Tim, hik hik hik), lalo’t ang Department of Transportation (DOTr) ay nakatutok sa komprehensibong pagpapaunlad at pagsulong ng sistema ng transportasyon sa bansa kabilang na ang pagluluwag ng trapiko.
Pero wait, Secretary Tugade, how about ‘yung mga opisyal ng gobyerno na tila hindi mareso-resolba ang nakabubuwisit na trapiko, hindi ba sila liable and accountable at hindi rin ba sila unbecoming public official dahil hanggang ngayon tila lalong lumala ang trapiko sa bansa, like you?
E baka naman ang reresolba sa traffic sa EDSA ay habal-habal pala, bakit hindi na lang iyon ang gawing solusyon hangga’t hindi pa natatapos ang mga proyektong impraestruktura na sinasabing magpapaluwag ng trapiko sa loob ng 10 taon?!
Baka naman pagkatapos ng infra projects na ‘yan ay hindi na rin kayang i-accomodate ang karagdagang populasyon na gagamit din ng iba’t ibang moda at sistema ng transportasyon?!
Sa ganang atin, mukhang nakatsamba ng solusyon si DOTr Usec. And MMDA GM Tim Orbos.
Kailangan nga lang, pag-isipan din mabuti kung saan ilalagay ang mga bus at iba pang moda ng transportasyon na lumalarga sa EDSA.
Ano sa tingin ninyo mga suki?!
Habal-habal na!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com