MASASABING mabilis ang pagtugon ng Quezon City government sa pangangailangan ng “public safety at emergency services” ng mga mamamayan sa lungsod pero lalo pang pinaigting ito at malamang ikatuwa ng mamamayan sa mga susunod na araw.
Paano ibang klase kasi ang alkalde ng Kyusi na si Herbert “Bistek” Bautista.
Anong ibang klase? Para kay Bistek kasi ay parang kulang pa ang kanyang trabaho bagama’t halos ‘naibigay’ na niya ang lahat lalo na kung emergency services ang pag-uusapan. Iyong naman pala, halos naibigay na ni Bistek ang lahat pero parang nakukulangan pa siya. Kaya, kahit kompleto na ang city government ng logistics sa emergency services para sa mamamayan, prayoridad pa rin ng alkalde ang pagbibigay ng mas mabilis na serbisyong pang-medikal o emergency.
Upang mas matugunan pa ang lahat ng pangangailangan, sa pangunguna ng alkalde matapos aprubahan ng city council, ang pamahalaang lokal ay bumili pa ng karagdagang 160 ambulansiya.
Katunayan, ilang ambulansiya ay dumating sa city hall o naideliber na nitong nakaraang linggo. Magkano kaya ang isang ambulansiya kapag gobyerno ang bumili? Sinasabi kasing mas mahal kapag gobyerno ang bumili kahit na maramihan ang pagbili? Gano’n ba iyon?
Bakit naman ninyo naitanong at nasabing mas mahal kapag gobyerno ang bumili? Mayroon daw kasi iyong sinasabing “SOP” o save our pocket. Ha!
Naku, hindi ‘yan uubra kay Bistek… hindi nakalulusot sa kanya ang magtatangkang kumuha ng kahit anong klaseng SOP sa lahat ng proyekto ng city government.
Tama ba ako Mayor Bistek?
Bukod dito, hindi uubra kay Bistek ang SOP dahil batid niyang pera ng mamamayan ang ginamit sa pagbili ng 160 ambulansiya.
Iyan si Bistek, galit sa SOP. Pero anyway, I hope walang nangyaring maanomalya sa bidding, pagbili at… I hope walang nakinabang sa milyon-milyong halaga ng ambulansiya. Magkano kaya ang lahat — ang 160 yunit ng ambulansiya? Magkano din kaya ang bawat isa?
Ang Toyota Hi-Ace Grandia kasi, iyong hindi ambulansya, ay P1.2 M to P1.4 M. Iyan ang pres-yo ng Grandia. Siyempre kapag maramihan siguro tulad ng 160 piraso, malamang may nakuhang diskuwento ang city government. Ngunit tandaan natin na ang mga ambulansiyang ito ay custom-built. ‘Ika nga raw… equipped with automated external defibrillator, oxygen tanks, spinal board, stretcher and a medical kit. Kaya may kamahalan ito.
Mahal man ito, okey lang basta’t ang mahalaga ay walang kumita.
Boss Ares Gutierrez, City Information Offic-er, puwede po bang makakuha ng kompletong dokumento para sa nangyaring transaksiyon?
Naniniwala naman tayong walang nangyaring anomalya rito dahil galit si Bistek sa ano mang anomalya.
Balik tayo sa serbisyo publiko para sa 160 ambulansiya. Ito ay ipamimigay sa 142 barangay ng Kyusi habang ilan din ay para sa City Health Department, City Disaster Risk Reduction and Management Office, QC General Hospital, QC Police District at Bureau of Fire Protection.
At ang nakatutuwa pa nito, nararapat lang gawin… ang QC DRRMO raw ay magsasanay ng ambulance crews or emergency medical technicians sa ilalim ng programang Barangay Emergency Response Team (BERT).
“…the BERT concept which calls for the organization of community-based first responders was pioneered by Mayor Herbert Bautista when he was vice mayor in 1995. The concept was later adopted by the Department of the Interior and Local Government and the Philippine Red Cross.”
Heto ang maganda sa sinabi ni QC DRRMO Operations and Warning chief Edward Castillo: “Bago ibigay ang ambulansiya iti-train muna natin ang mga taong magiging EMTs (emergency medical technicians) ng bawat barangay. Magkakaroon ng memorandum of agreement (between the city government and the barangay) kung ano ang puwede at hindi puwede sa ambulansiya. Kapag hindi nasunod ang nasa memorandum of agreement maaaring bawiin ng Quezon City ang ambulansiyang ibinigay sa barangay.
May responsibilidad ang bawat isa. Iniiwasan natin na ang ambulansya ay gawing pang-ser-bisyo na hindi medical.”
Well Mayor Bistek, iyan ang bantayan natin, alam naman natin na maraming chairman na ungas. Ginawang personal service ang ambulansiya o mga uring sasakyan ng barangay na pag-aari ng gobyerno o ng mamamayan.
AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan