GAYA nang inaasahan, tuluyan nang ibinasura ng Commission on Appointments (CA) ang nominasyon ni Rafael “Ka Paeng” Mariano bilang kalihim ng Department of Agrarian Reform. Si Ka Paeng ang ikalawang makakaliwang Cabinet secretary na tinanggihan ng CA. Unang sinibak sa kanyang puwesto ay si Social Welfare Secretary Judy Taguiwalo.
Tama lang ang naging desisyon ng CA na tanggihan ang nominasyon ni Ka Paeng. Hindi maaaring manatili si Ka Paeng bilang DAR secretary kung gagamitin lang naman niya ang kanyang posisyon para maisulong ang interes ng makakaliwang grupo ng mga magsasaka.
Sa pagsasalita pa lang ni Ka Paeng, mapapansin mo kaagad na “linyado” ang kanyang binibitiwang mga pahayag. Para siyang lorong paulit-ulit na tumutula tulad ng mga makakaliwang lider na naimpluwensiyahan ni Lolo Joma Sison. Dogmatiko, ika nga!
Pansinin ang corny na pahayag ni Ka Paeng, “ang interes ng mga landlords at oligarchs ay maaaring nagtagumpay ngayong araw, ngunit darating ang panahon na ang lahat ng mga magsasaka at inaapi, at ang mga inaabuso sa ating lipunan ay siyang magtatagumpay.” Dagdag ni Ka Paeng, “magpapatuloy ang pakikibaka natin!” hahaha…lalong naging corny.
Ang hirap talaga kapag sarado at de-kahon kung mag-isip ang isang tao. Ang akala kasi nila panahon pa rin ng diktadurang Marcos kaya nagmumukhang engot tuloy kapag nagbibigay ng mga pahayag sa media. Hindi na nakawala si Ka Paeng sa kanyang estilo ng pagsasalita kaya naaakusahan tuloy na kasapi ng kilusang lihim.
Pero hindi pa huli ang lahat. Madaling makababalik si Ka Paeng sa limelight dahil tiyak na bukas-palad siyang tatanggapin ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas. Walang dapat na aksayahing oras si Ka Paeng dahil higit siyang kailangan ngayon sa mga protesta sa lansangan laban kay Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte.
Tiyak na hinihintay rin siya ngayon ni Renato “Jobless” Reyes, Jr., ang lider ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan. Isang professional activist si Nato, at sinasabing walang naging trabaho simula iluwal ng kanyang ina sa mundong ibabaw.
At malamang na magiging maganda ang tambalan nina Ka Paeng at Ka Nato dahil makikita silang magkapanabay na magra-rally sa Liwasang Bonifacio at Mendiola bridge. Tangan ang mega phone at streamer tiyak na isisigaw nila ang… imperyalismo, burukrata kapitalismo at pyudalismo!
Payo natin kay Ka paeng, ‘wag na kasing mamangka sa dalawang ilog. Kung talagang kikilos ka para sa bayan panindigan mo at huwag ka ng sumawsaw pa sa burukrasya ng administrasyon ni Digong.
Buko na ‘yang taktika ninyo!
SIPAT
ni Mat Vicencio