NAKARAAN na ang daluyong na si Harvey sa Texas, USA at nagsimula na ang pagbangon ng Houston, isa sa mga lungsod sa sobrang nasalanta ng bagyo at dito ay nasaksihan ng Usaping Bayan ang maganda at masamang kaugalian ng mga Filipino.
Sa kabutihang palad ay walang naiulat na Filipino o di kaya’y Filipino-American na nasawi dahil kay Harvey bagamat marami sa ating kalahi ang masyadong naapektohan ng bagyo dahil sa paglubog ng maraming lugar sa Houston at mga lugar na malapit sa Gulpo ng Mexico.
Sa pagkakataong ito, lumabas nang hindi inaasahan ang bayanihan sa ating mga kababayan. Sa maniwala kayo o hindi ay mabibilang sa daliri ang bilang ng mga Filpino at Filipino-American sa mga evacuation centers. Ito ang napag-alaman ng Usaping Bayan sa pamamagitan ng Beyond Deadlines at Pinoy Houston TV, ang kaisa-isang himpilan ng telebisyon na Filipino sa Houston, matapos silang gumawa ng madaliang survey sa ilang malalaking evacuation centers sa Texas.
Ayon sa mga nakausap ng Beyond Deadlines at Pinoy Houston TV, agad umaalis sa mga evacuation centers ang mga Filipino dahil sila ay inaampon ng mga kamag-anak o kaibigan na hindi masyadong nasalanta ng bagyo.
Kalugod-lugod din na agad kumilos ang iba’t ibang organisasyong sibiko ng mga Filipino dito sa Texas at binuo ang Harvey Pinoy Squad upang makatulong agad sa mga nasalanta ng bagyo, na sinasabing pinakamabagsik na unos sa tala ng kasaysayan ng Texas, kundi man ng buong USA.
Sa unang pulong ng grupo ay nakalikom agad ng US$15,000 para maipamudmod sa mga nangangailangan nating kababayan. Inaaasahan na marami pang tulong at donasyong salapi ang malilikom.
Kung ano ang bilis sa pagbibigay ng ayuda ng mga lokal na Filipino at Filipino-Americans dito sa Houston, at ng pamahalaang federal, state at local ng US sa mga nabiktima ni Harvey ay siyang bagal naman ng Philippine Consulate sa Los Angeles na magbigay kahit man lang pahayag ng suporta.
Kesyo may statement na raw si Department of Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano ng pakikiramay. Haay naku, hindi maintindihan ng Usaping Bayan kung bakit hindi makapagbigay agad ng statement of support ang konsulado sa LA. Parang napakabigat na gawain ang magpahayag ng pagkalinga sa kapwa Filipino.
Kung hindi pa nagsalita sa estasyon ng TV sa atin ang isang taga-Houston at pinuna ang kawalan ng agarang aksyon ng consulate ay hindi pa mapipilit na mag-issue ng statement of encouragement and support.
Hindi rin natanawan ng mga Filipino at Filipino-Americans ‘yung Philippine honorary consul dito sa Texas sa kasagsagan ni Harvey. Haayyyyy buhay nga naman…
***
Sinampahan na nang patong-patong na kaso ng Integrated Bar of the Philippines sa Tanggapan ng Ombudsman ang mga pulis na sangkot sa pagpatay sa teenager na si Kian De los Santos. Para sa karagdagang detalye ay pasyalan ninyo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com
Sana ay makaugalian ninyo na bisitahin lagi ang website ng Beyond Deadlines at panoorin ang segment nito sa Pinoy Houston TV o Howdy Philippines channel ng YouTube. Salamat po.
***
Kung ibig ninyong maligo sa hot spring ay maaari kayong pumunta sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subdivision, Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City. Malapit sa Metro Manila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Magpadala ng mensahe sa www.facebook.com/privatehotspringresort para sa karagdagang impormasyon o reserbasyon ng lugar. Salamat po.
USAPING BAYAN
ni Rev. Nelson Flores, Ll.B., MSCK