KAHIT masama ang pakiramdam ni Sharon Cuneta sa presscon ng kanyang first indie movie na “Ang Pamilyang Hindi Lumuluha” na ginanap nitong Lunes sa Dolphy Theater, naging masaya pa rin ang daloy ng press conference ng megastar kasi the usual Sharon pa rin na tuwing sumasagot ay may kasamang hagikgik.
Una, pinasalamatan muna ni Mega ang managing director ng Star Cinema na si Ma’am Malou Santos, sa pagre-release ng maliit nilang pelikula na kanyang ipinagmamalalaki dahil bukod sa marami ang mga pumupuri sa istorya ay naging top grosser pa sila sa Cinemalaya 2017.
Aminado si Shawie, na sa first shooting day nila sa Laguna ay nanibago siya kaya nag-request daw siya sa kanilang director na si Direk Mes de Guzman na pack up na muna and then the next day ay puyatan na sila sa shooting.
Dito sa Ang Pamilyang Lumuluha ay medyo malaki pa siya at bagay naman daw sa karakter niya na matrona ang dating at nagluluka-lukahan. Halos buong movie ay silang dalawa raw ni Moi ang magka-eksena at napabilib siya sa galing ng character actress na yaya ng actor na si Piolo Pascual.
Dapat daw bigyan ng Star Cinema ng launching movie si Moi kasama si Empoy or si Piolo at nakahanda raw siyang sumosyo rito. Sinabi ni Direk Mes, nang sulatin niya ang istorya ng Ang Pamilyang Hindi Lumuluha ay intended na ito for Sharon at nang sulatan raw niya ang actress ay agad tumugon sa kanyang email at tinanggap ang project and then nag-meeting sila. E, kasi tagahanga pala ni Direk Mes si Sharon, sa kanyang mga obra ay may kopya ng videos ng movies niya ang megastar. Kabituin ni Sha, sa movie sina Nino Muhlach, Kiko Matos, Chris Villanueva, Richard Quan, Flor Salanga, Joe Gruta, Alonzo Muhlach, Michelle Vito, Philip Olayvar, Tadz Obach, Ren Escano, Marion Dizon.
Ang Pamilyang Hindi Lumuluha ay general patronage kaya’t pwedeng mapanood ng lahat.
Palabas na sa maraming sinehan sa buong bansa simula ngayong Setyembre 6.
PAULO, RITZ AT EJAY
GAGAMITIN ANG PAG-IBIG
UPANG BIGYANG KAHULUGAN
ANG WALANG HANGGANG
“THE PROMISE OF FOREVER”
Titigil ang oras ng mga manonood dahil matutunghayan ang kuwento ng pag-ibig na habang-buhay isinumpa ng tadhana sa “The Promise of Forever” na mapapanood simula Lunes (Sept. 11) sa Kapamilya Gold ng ABS-CBN.
Bibigyan ng bagong kahulugan ng “The Promise of Forever” ang walang hanggan dahil imbes maging susi sa masayang pagmamahalan, ito ang magiging hadlang upang makamtan ng dalawang taong itinakda ang inaasam-asam nilang buhay at pag-ibig.
Kilalanin si Nicolas (Paulo Avelino), ang lalaking tinaguriang ‘immortal man.’ Hindi tumatanda at namamatay, kaya naman hangga’t wala pang lunas ang karamdaman, sinisiguro niyang hindi siya iibig sa sino man upang hindi masaktan nang paulit-ulit sa pagkamatay ng mga minamahal.
Sa pamumuhay niya sa mundo nang mag-isa, marami siyang makikilala at isa na nga rito si Sophia (Ritz Azul), ang batang iniligtas niya mula sa isang sunog.
Lubos ang pasasalamat sa ikalawang buhay, gagamitin ni Sophia bilang inspirasyon ang lalaking nagligtas sa kanya upang magsikap at bigyan ng maayos na kinabukasan ang pamilya.
Matapos ang maraming taon, magkukrus muli ang landas ng dalawa sa cruise ship na papasukan ni Sophia. Pipilitin ng dalagang kilalanin si Nicolas at aalamin kung siya nga ba ang lalaking nagligtas sa kanya, hanggang sa hindi inaasahang mahulog ang loob nila sa isa’t isa.
Ngunit magiging balakid pa rin ang sumpa ng ‘immortal man’ sa pagmamahalan ng dalawa na pipigil sa kanilang maabot ang buhay nilang inaasam. Bukod sa imortal na buhay, magiging hadlang din sa pagmamahalan nila si Philip (Ejay Falcon), ang lalaking nagmamahal kay Sophia na gagawin ang lahat upang mapasakanya. Sabay rin dito ang panganib na dala ni Marlon (Tonton Gutierrez), ang lalaking may misyong tapusin ang buhay ni Nicolas.
Mahanap pa kaya ni Nicolas ang lunas sa kanyang sumpa? Paano nga kaya maipaglalaban ni Sophia ang pagmamahal niya para kay Nicolas kung nakahadlang sa kanila si Philip? Bukod sa maiinit na eksnea, siguradong magiging kaabang-abang ang mga tagpo ng “The Promise of Forever” dahil dadalhin nito ang mga manonood sa magagandang tanawin sa Czech Republic, Belgium, Netherlands, at Poland.
Kasasabikan din ang premyadong cast ng serye kasama sina Cherry Pie Picache, Amy Austria, Benjie Paras, Susan Africa, Ynna Asistio at Nico Antonio. Ito ay sa ilalim ng direksiyon nina Darnel Villaflor at Hannah Espia.
Huwag palampasin ang kuwento ng pangako ng walang hanggang pag-ibig sa “The Promise of Forever” ngayong Lunes na sa ABS-CBN at sa ABS-CBN HD (SkyCable ch 167).
Para sa karagdagang impormasyon, sundan lang ang @DreamscapePH sa Instagram at Twitter at facebook.com/dreamscapeph sa Facebook.
VONGGANG CHIKA!
ni Peter Ledesma