MATAPOS mabunyag ang barko-barkong semento na sinasabing ipinupuslit ng anak ni Senador Panfilo “Ping” Lacson Jr., na si Pampi Jr., sa bansa, naalarma ang Department of Trade and Industry (DTI).
Mismong si DTI Secretary Ramon Lopez ay nagsabi na rerepasohin ng pamahalaan ang kasalukuyang mga alituntunin at regulasyon sa pag-aangkat ng semento.
Kasunod ito ng nagaganap na kaguluhan sa hanay ng importers at manufacturers sa mungkahing “pre-shipment inspection.” Sa hiwalay na sulat sa DTI, hinikayat ng maraming cement manufacturers ang pamahalaan na gawing rekesitos sa manufacturers at traders na isailalim sa pagsusuri ang mga imported cement sa puerto at huwag umasa sa pre-shipment inspection para umano sa kaligtasan ng consumers.
Wattafak!
Ang pinag-uusapan ngayon ng cement manufacturers and traders e ‘yung garantiya na hindi umano maloloko ang consumers?!
E hindi ba, ang isyu ngayon, kung hindi ba napapalusutan ng mga puslit na semento ang mga puerto ng Bureau of Customs?!
Ayon sa grupo ng Eagle Cement Corp., Taiheiyo Cement Philippines Inc., Mabuhay Filcement Inc., Northern Cement Corp., Republic Cement at Cemex Philippines ay para sa masusing pagsusuri ng mga imported na semento.
Habang ang Philippine Cement Importers Association (PCIA) ay pabor sa pre-shipment inspection dahil consistent umano ito sa international standards, kaya siguradong hindi “poor quality products” ang pumapasok sa bansa.
Mukhang ang nagkakagulo naman ngayon ay local manufacturers at importers ng semento.
Pero sa totoo lang, ang may kagagawan nito ay import liberalization na pinasimunuan ng dating pangulo na si Fidel V. Ramos.
Hindi lang ang industriya ng semento ang apektado, lahat ng industriya na mayroon sa bansa ay naapektohan ng import liberalization.
Ilang garments and shoe factory na ba ang nagsara sa ating bansa at lumipat sa ibang bansa?! Hindi na mabilang.
At ngayon, naman, ang industriya ng semento ang pinupuruhan. Hindi ba’t dapat ang unang protektahan ay local manufacturers kaysa importers na malamang ay mas malaki ang palusot kaysa tunay na binuwisan?!
Isang isyu ito na unang susubok sa kakayahan ng bagong talagang Customs Commissioner Isidro Lapeña.
Abangan natin kung paano ito reresolbahin ng bagong Komisyoner.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com