NAG-UWI ng 24 medalyang ginto ang mga nanlulumo at desmayadong pambansang atleta ng ating bansa sa katatapos na Southeast Asian Games (SEA Games) sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Mula sa target na 50 medalyang ginto, nakakuha ng 24 ang Filipinas pero karamihan ng sports na sinabi nilang susungkit ng medlaya ay bokya.
Hindi lang laglag ang balikat, hindi kayang ilarawan ang kalungkutan ng mga atleta natin na laging nagsisikap upang bigyan ng karangalan ang ating bansa.
Hindi dahil mga ‘bugok’ ang ating mga atleta kundi dahil sa bulok na sistema ng mga namumuno rito.
Kahit itanong pa ninyo kay Philippine Olympic Committee (POC) president Jose “Peping” Cojuangco Jr.
At kahit hiyang-hiya ang mga atleta natin, mukhang walang epekto kay Uncle Baba ‘este Peping ang panlulumo nila.
Nagkikibit-balikat lang siya saka sasabihin, dapat paghusayin sa susunod na SEA Games lalo na’t Filipinas ang host sa 2019.
Lahat daw, maging ang kanyang mga kritiko ay dapat na tulungan siya para itayo ang bandila ng Filipinas sa 2019 SEA Games.
Aba, hihirit pa ang kumag!
Ang kapal talaga ng babs ‘este ng mukha…
Ang pinakamabuti sa lahat Mr. Peping Cojuangco, mag-resign at magpahinga na kayo dahil maraming mas karapat-dapat sa puwestong ‘yan.
Aba, 2005 pa kayo naririyan pero simula noon, pabansot nang pabansot ang kalagayan ng ating mga atleta.
‘Yan ay kahit bilyon-bilyon ang pondo ng POC.
Saan napupunta’t hindi man lang tayo makapag-develop ng mga bagong atleta na kayang tapatan ang husay at galing ng well-trained athletes mula sa ibang bansa.
Naungusan pa tayo ng Vietnam!
‘Naiipit ba ng mahabang baba’ ang bilyon-bilyong budget para sa ating mga manlalaro?
Kung sa ibang bansa, ang mga atleta ay sinasanay nang todo, ipinadadala pa sa ibang bansa kung kinakailangan, dito naman sa atin, hangga’t puwedeng tipirin ay titipirin ang budget nila.
Kaya huwag na tayong magtaka kung bakit kahit ang Vietnam ay iniwanan tayo sa nakalipas na SEA Games.
Siyempre dahil host country, sinungkit ng Malaysia ang no. 1 post na may 145 gold medals. Sumunod ang Thailand, Vietnam, Singapore at Indonesia.
Ganyan sila kagaling mag-alaga ng kanilang mga atleta.
Hindi katulad nitong si Peping, mukhang interes lang niya ang dine-develop nang husto at hindi ang mga atleta.
Aba, POC President Peping Cojuangco, may disenyo ka ba kung ano ang future ng mga atletang Filipino?!
Kung wala at hindi mo kayang iangat ‘yan, mas mabuti pang ‘magretiro’ ka na at ipasa mo na sa iba ang puwestong hindi mo ginagampanan nang tama!
Puwede ba, palitan na si Peping?!
Iba naman!
MAINLAND CHINESE
VISA UPON ARRIVAL
REBISAHIN MABUTI!
MARAMING haka-haka ang lumalabas kung tuluyang maisasakatuparan ang visa upon arrival (VUA) ng mga mainland Chinese national.
Ang sabi ng iba, bakit daw bibigyan ng pribilehiyo ang mga tsekwa gayong hindi naman maganda ang relasyon natin sa bansang ito?
Kung susuriin nga naman, sa bansang China nagmumula ang mga sangkot sa pagluluto ng shabu o iba pang droga!
Nandiyan din ang mga ilegal na nagtatrabaho sa maraming call centers at online gaming na wala namang sapat na dokumento o working visa.
‘Di ba nga, at halos hindi pa natatapos iproseso ang deportation ng mga Tsekwa sa hinuling online gaming sa Fontana.
Bakit gagawa na naman ng pagkakataon na papasukin sila sa madaling paraan?
I’m sure lalo lang magpipiyesta ang notorious fixers sa Bureau of Immigration gaya nina alias Betty Chuachowchow at Anna Singhot kung mapapatupad ang VUA!
Dapat siguro ay pag-aralan mabuti ang pros and cons ng pagkakaroon ng VUAs bago ito aprubahan.
Ano sa palagay ninyo DFA Sec. Allan Cayetano?
DRUG DEN
SA SOLIS TONDO
(ATTENTION: PDEA)
KA JERRY, pakibulabog naman po itong BENTAHAN at GAMITAN ng SHABU dito sa 10— Calejon Dos Solis St. Tondo, Manila. Isang pamilya ang tila naghahari-harian dito, ‘yan ang Pamilya San—, na pinamumunuan ni alias ‘tong-a’ at ng kanyang mga anak. Pati pasugal sa bahay nila meron din, kaya kung sino-sinong mga dayong adik ang labas pasok sa eskinita, nakakatakot na ho. Dati na rin silang naisumbong sa pitak na ito. Ilang beses na rin silang pinasok pero mas lumala pa. Kasama sila sa mga natokhang at sumumpang magbabago pero hindi huminto. Sana makaabot sa kinauukulan ito. Sana matapos na ang kalbaryo namin dulot ng droga na ‘yan, mahuli na sana sila. Sakop po kami ng MPD Station 7 Abad Santos. God Bless po! Sir pls dont publish my info.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com