TOTOONG hindi matatawaran ang mga accomplishment ni Chief Ins-pector Jovie Espenido bilang opisyal ng pulis, lalo na kaugnay ng digmaan laban sa droga.
Pero hindi lahat ng naisin ay ating makukuha. Maaalalang si Pre-sident Duterte pa mismo ang nagpahayag na maililipat si Espenido sa Iloilo City nitong 28 Agosto.
Pero nagpahayag si Police Regional Office (PRO) 6 Director Cesar Binag na si Senior Superintendent Henry Biñas na ang mamumuno sa Ilo-ilo City police simula 1 Setyembre.
Kailangan kasing maging senior superintendent si Espenido para mapamunuan ang malaking lungsod na tulad ng Iloilo. Sa kasalukuyang ranggong chief inspector ay mangangailangan pa siya ng dalawang promosyon para maging karapat-dapat sa puwesto.
Mabuti at ibinatay nila ang desisyon sa mga umiiral na patakaran at hindi dahil sa iniutos ito ng Pangulo.
Marami sa mga nakatutok at nagmamasid sa mga nasasawi sa kampanya ng administrasyon laban sa droga ay parang nabunutan ng tinik nang makansela ang appointment ni Espenido.
Maaalalang tinukoy mismo ni Duterte ang dalawang alkalde na kapwa nasa drug list niya na napaslang sa mga raid ng pulis noong si Espenido ang nakaupo bilang hepe sa kanilang lugar. Si Espenido ang hepe sa Albuera, Leyte nang mapatay si Albuera Mayor Rolando Espinosa Sr., sa police raid sa kanyang selda. Siya rin ang hepe ng Ozamiz City nang mapaslang si Mayor Reynaldo Parojinog sa isang madugong operas-yon ng mga pulis.
Kaya nga inisip ni Duterte kung makaliligtas daw kaya si Iloilo City Mayor Jed Mabilog sakaling si Espenido ang hepe ng kanyang pulis. Si Mabilog ay kasama rin sa talaan ng droga ng Pangulo pero itinanggi ito ng alkalde.
Biro man o hindi ang pahayag ng Pangulo, para sa maraming nag-aalala sa sunod-sunod na pamamaslang sa mga suspek sa droga ay hindi ito katawa-tawa.
Dahil nga sa walang habas na pamamaslang ay nasawi ang 17-anyos na grade 11 student na si Kian delos Santos na iginigiit ng mga pulis na nanlaban samantala iba ang lumabas sa isinagawang awtopsiya.
Ang laging ikinakatuwiran ng mga pulis kapag may napapatay sila sa drug operation ay nanlaban ang suspek. Hindi naman itinatanggi ng Firing Line na may mga lehitimong operasyon na lumaban talaga ang suspek.
Pero kapag sunod-sunod na ang balita na pawang nanlaban ang hinuhuli ay nagkakaroon na ng pagdududa sa isipan ng nakararami. At ang tanong pa nila, ilan na raw kaya ang mga ‘Kian delos Santos’ na pinalabas na lumaban kahit na binaril nang wala umanong laban?
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
FIRING LINE – Robert B. Roque, Jr.