HINDI pa man nag-uumpisa ang negosasyon sa pagitan ng pamilyang Marcos at Duterte administration, kabi-kabila na kaagad ang reaksiyon ng iba’t ibang grupo kung paano ang gagawin sa mababawing ill-gotten wealth.
Ang linaw ng pahayag ni Ilocos Norte Go-vernor Imee Marcos, “wala pang pag-uusap, pero naniniwala kami kay Pangulong Digong na mareresolba niya ang usapin na nakabinbin pa rin hanggang ngayon sa korte. Halos dekada na kasi ang tagal noon.”
Kaya nga, kung magiging mapanuri lang ang mga taong hayok sa barang ginto, makikitang wala pa talagang katiyakan sa sinasabing ibabalik na ill-gotten wealth, kung meron man, ng pamilyang Marcos.
Nakatatawa dahil pati itong si House Speaker Pantaleon Alvarez ay nakisawsaw na rin sa isyu kahit wala namang kinalaman sa usapin ng martial law victims.
Sabi ni Alvarez, kailangan daw ibalik ang lahat ng nakaw na yaman ng pamilyang Marcos.
Aysus, parang ‘tibak’ si Alvarez kung magsalita! Bakit hindi na lang ‘yung ‘kabit’ niya ang kanyang pakialaman?
At magpapahuli ba si Vice President Leni “sawsaw” Robredo? E, siyempre hindi!
Sabi ni Robredo, kailangang buo na makuha ng gobyerno ang ill-gotten wealth ng pamilyang Marcos. Ganoon din si Etta Rosales, dating chair ng Human Rights Commission na nagsabing dapat ibalik ang lahat ng ninakaw na yaman nang walang kondisyon.
Ang daming lumundag!
Kung pinakinggan lang kasi nang mabuti ang pahayag ni Digong, wala naman talagang katiyakan ang usapin sa ill-gotten wealth.
Sabi nga ni Digong, “The Marcoses, I will not name the spokesman, sabi nila, we’ll open everything and hopefully return ‘yung nakita na talaga,”
“Sabi nila na malaki ang deficit mo, maybe the projected spending pero hindi ito malaki baka makatulong, but we are ready to open and bring back, sabi niya, pati ‘yung few gold bars.”
Hindi ba, malinaw na wala namang kasunduan, at sino bang ang kausap ni Digong?
Ang hirap kasi sa mga tsimosong politiko, lundag kaagad kahit wala namang depenidong napag-uusapan sa pagitan ng pamilyang Marcos at Duterte administration.
At mukhang nasilaw din kaagad sila sa kuwento ni Partylist Rep. Lito Atienza nang sabihin nitong mayroon ngang tone-toneladang barang ginto ang pamilyang Marcos.
Ang sabi ni Atienza, noong mayor pa siya ng Maynila, nagsabi raw sa kanya si dating First Lady Imelda Marcos na may 7,000 tons of gold bars at handang ibigay sa gobyerno, lamang pinipigil daw ng superpower.
Haha anong superpower?
Ang mabuting gawin ng mga taong may interes sa ill-gotten wealth ay maghintay nang pormal na pag-uusap ng Marcos family at Duterte administration, at hindi ‘yung kung ano-anong espekulasyon ang ipinahahayag kahit wala namang matibay na batayang pinanghahawakan.
Sa susunod, baka mga alien na ang nagtatago ng mga barang ginto ng pamilyang Marcos
SIPAT
ni Mat Vicencio