PINARATANGAN ni Senador Antonio Trillanes IV si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at ang bayaw niyang si Atty. Mans Carpio nang pag-eksena sa Bureau of Customs (BoC).
Sinabi ni Trillanes, inamin ni Customs Intelligence and Investigation Services chief, Col. Neil Anthony Estrella, sa pagdinig sa Senado na nagtungo nga noon si Atty. Mans Carpio sa tanggapan ni dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon.
Malinaw aniya sa kanyang mga natatanggap na impormasyon na hindi lamang si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte ang umeeksena sa BoC kundi ang bayaw ng huli na asawa ni Davao City Mayor Sara Duterte, base sa testimonya ni Col. Estrella sa Senado. (CYNTHIA MARTIN)
Resbak ni Mans Carpio:
TRILLANES DESPERADO,
TSISMOSONG SENADOR
DESPERADO at tsismosong senador si Antonio Trillanes IV, ayon kay presidential son-in-law Maneses Carpio.
Buwelta ito ni Carpio, asawa ni presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte, kay Trillanes na inakusahan siyang nasa likod ng “Davao Group,” kasama ang bayaw na si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte, at tumanggap ng suhol para lakarin ang mabilis na pagpasok at pagpapalusot sa mga kargamento sa Bureau of Customs.
Ani Carpio, bahagi ng kanyang trabaho bilang abogado, na magpunta sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.
“I represent many clients who have transactions with the Bureau of Customs. It is my job as a lawyer to appear before government agencies for and on behalf of my principals. Senator Trillanes is imputing malice in saying that my appearance before the BoC is because of smuggling. He is just a desperate rumor monger who happens to be a Senator,” mensahe ni Carpio sa kanyang Facebook account.
(ROSE NOVENARIO)