SA kasaysayan ng lehislatura, ang 17th Congress ng House of Representatives ang maituturing na pinakamagulo, pinakabastos at pinakotrobersiyal, sa ilalim ng pamumuno nina Speaker Pantaleon Alvarez at Majority Floor Leader Rudy Fariñas.
Hindi lamang ‘tinulugan’ nina Alvarez at Fariñas ang mga priority bills ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte kundi pati ang usapin ng ‘kabit’ suhulan at pagpapakulong sa “Ilocos 6” ay nakaladkad at nadungisan na rin ang pangalan ng Kamara bilang isang institusyon.
At kamakailan naman, tulad ni Fariñas, idineklarang isang “persona non grata” si Alvarez ng Mindanao PDP-Laban. Inakusahan si Alvarez nang mahigit 200 political leaders ng PDP-Laban na hindi maayos ang pamamalakad at tinawag siyang “fake secretary general.”
Mismong ang regional president ng region XI na si Cesar Cuntapay ang nanawagan sa kasapian ng PDP-Laban na sibakin na sa puwesto si Alvarez dahil sa abusadong pamumuno nito gaya nang ginawang pagsibak sa local party leaders nang walang kaukulang konsultasyon.
Kaya nga, maituturing na walang kredibilidad sa ngayon ang Kamara sa ilalim ng pamumuno nina Alvarez at Fariñas. Kung hindi lang mataas ang approval rating ni Digong malamang sibak na ang dalawa sa kanilang puwesto.
Ano ngayon ang masasabi ng mga kongresista na nasa hanay ng oposisyon na tinaguriang “Magnificent Seven?” Nasaan rin ang legitimate minority group ng House? At lalo ang sinasabing makakaliwa o progressive congressmen, nasaan na sila?
At wala na rin ba talagang maaasahan sa mga LP congressmen na nasa super majority coalition? Nakalulungkot dahil mukhang wala nang pakialam ang mayorya ng kongresista sa Kamara.
Asahang magpapatuloy ang paghahasik ng lagim ng mga kongresista sa ilalim ng pamumuno nina Alvarez at Fariñas. Kesohodang wala silang maipasang matinong batas, ang mahalaga sa kanila ay maisulong ang kanilang interes, kapalit ng interes ng taongbayan.
Tanging si Digong ang makasosopla sa mga kawalanghiyaan nina Alvarez at Fariñas. Humahanap din lang ng tiyempo ang ibang mga kongresistang kaalyado ni Digong at kung may pagkakataon tiyak na kudeta ang aabutin ng dalawa.
At sino ang makalilimot sa ginawa nina Alvarez at Fariñas kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo nang sibakin sa kanyang puwesto bilang deputy speaker for Central Luzon? Hindi ba alam nina Alvarez at Fariñas na malapit na kaibigan ni Digong si GMA?
IPINAKIKITA ni Ilocos Norte governor Imee Marcos ang kopya ng Omnibus Petition na kanilang inihain sa Supreme Court at ang Petition for Habeas Corpus para sa “Ilocos 6” na patuloy na ikinukulong sa Kamara. Sinabi ng mga sumama sa rally na ang “Ilocos 6” ay idinadamay ng ilang grupo na umano’y pinopondohan ng grupong interesadong makakopo ng puwesto sa lalawigan ng mga tinaguriang Genuine Ilocano. (BONG SON)
Pinakuhuli ang ginawang panggigipit kay Ilocos Norte Gov. Imee Marcos nang imbestigahan nila ito sa usapin ng tobacco excise tax. Hindi rin ba alam nina Alvarez at Fariñas na ‘tao’ ni Digong si Imee?
Hindi lang si GMA at si Imee ang biktima ng panggigipit nina Alvarez at Fariñas. Marami pang kaalyado ni Digong ang winalanghiya ng dalawa. Sabi nga sa Palasyo, tamang tiyempo lang ang hinahanap ni Digong para ‘ikahon’ sina Alvarez at Fariñas.