MAGING ang Senado ay naaalarma na sa lumalaking bilang ng mga nasasawi sa mga isinasagawang operasyon ng pulisya laban sa ilegal na droga.
Ang lalong nagpainit sa paksang ito, ang naganap na pagpatay ng mga pulis kamakailan sa 17-anyos na si Kian delos Santos dahil nanlaban umano sa pag-aresto.
Nagliliyab sa galit ang maraming senador at pati ang mga kaalyado ng Pangulo ay nagpakawala ng maaanghang na salita laban sa mga pulis dahil hindi nila maiwasang barilin ang mga pinaghihinalaang kriminal.
Magtitipon-tipon ang mga senador upang desisyonan ang mga panawagan na magsagawa sila ng pagsisiyasat sa sunod-sunod na operas-yon ng Philippine National Police (PNP) na nagresulta sa kasawian ng marami.
May mga pumupuna na parang nagpapaligsahan umano ang mga pulis sa paramihan ng mapapaslang.
Sang-ayon ang Firing Line na nararapat paigtingin ang kampanya laban sa ilegal na droga pero kailangan isagawa ito nang naaayon sa batas. May mga patakaran na itinakda ang pulisya sa ganitong mga operasyon na dapat sundin.
Hindi ko naman inaalis ang posibilidad na may mga lehitimong operasyon ang mga pulis na totoong lumalaban ang mga hinuhuli kaya nauuwi sa putukan ang operasyon.
Ayon kay Senate President Aquilino Pimentel III ay hindi na nila kailangan pang hintayin ang magiging resulta ng pagsisiyasat ng Internal Affairs Service (IAS) ng PNP dahil puwede naman nilang simulan ang sariling imbestigasyon sa naturang isyu.
Kapag naaprubahan ang naturang pagsisiyasat ng Senado ay isasagawa ito ng committee on public order and dangerous drugs na pinamumunuan ni Senato Panfilo Lacson, na isang da-ting hepe ng PNP.
Magiging detalyado ang imbestigasyon. Sisi-lipin kung paano ipinatutupad ng pulisya ang “Oplan Double Barrel Reloaded.” Ano ba ang batayan bago sila gumamit ng dahas?
Pati ang mga case folder ng bawat biktima, mapabata man o matanda, ay kanilang sisilipin upang malaman ang mga detalye. Mahirap nga naman tanggapin ang pare-parehong kuwento na pawang nagtatapos sa nanlaban ang mga biktima.
Pero kung sakaling makapagsagawa ng masinsinang pagsisiyasat ang Senado sa naturang isyu, may mga nangangamba sa kahihinatnan nito.
Hindi maitatanggi na maaaring lumakas ang loob ng mga tiwaling pulis at umabuso sa kanilang kapangyarihan dahil na rin sa buong suporta na ibinibigay sa kanila ni President Duterte.
Baka raw sa halip na mapanagot ang mga pulis na tunay na nagkasala, ipinangangamba ng iba ang posibilidad na ma-promote pa at mapaganda ang mga puwesto.
Kanino pa raw babaling ang kaanak ng mga biktima sa paghahanap nila ng hustisya kapag nangyari ito?
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
FIRING LINE – Robert B. Roque, Jr.