ANO pa ang saysay ng Presidential Task Force on Media Security (PTFMS) kung wala rin lang namang makitang resulta sa kanilang mga nagagawa sa mga patayang nangyayari sa hanay ng media?
Sa ilalim ng pamahalaan ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte, apat na ang napapatay na journalist pero hanggang ngayon mailap pa rin ang hustisya sa mga naiwan nilang pamilya.
Unang biktima si Larry Que, publisher at columnist ng Catanduanes News nang tambangan ng motorcycle-riding gunman at barilin sa ulo noong 19 Disyembre 2016 sa Virac, Catanduanes. Binawian ng buhay si Larry kinabukasan.
Sinundan ito ni Joaquin Briones, kolumnista ng isang tabloid na napatay noong 13 Marso 2017 sa Bombon Bridge, Barangay Bacolod, Masbate.
Pangatlong biktima si Rudy Alicaway na binaril sa Molave, Zamboaga del Sur noong 6 Agosto 2017. Si Alicaway ay radio anchor ng dxPB.
Nitong 7 Agosto 2017 naman, pinatay si Leodoro Diaz sa bayan ng President Quirino, Sultan Kudarat. Si Diaz ay reporter ng Radio Mindanao Network.
Nakalulungkot, dahil sa kabila nang halos 10-buwan pagkakatatag ng Presidential Task Force on Media Security, parang inutil ang task force sa pagkamatay ng apat na media practitioners. Maliban siguro sa isinagawa nilang imbestigasyon, walang kongkretong resulta sa kaso ng apat na pinaslang na mamamahayag.
Kung tutuusin, makapangyarihan ang task force dahil binubuo ito nina Justice Secretary Vitaliano Aguirre, Communications Secretary Martin Andanar, kabilang din ang mga pinuno ng DILG, Department of National Defense, Solicitor General, Presidential Human Rights Committee, Chief of Staff ng AFP, Director General ng PNP at Director ng NBI.
Ang Presidential Task Force on Media Security na itinatag sa ilalim ng Administrative Order (AO) No. 1 ay nilagdaan ni Duterte noong 11 Oktubre 2016. Si Joel Egco, dating pangulo ng National Press Club of the Philippines, ang itinalaga bilang executive director ng nasabing Task Force. Kaya nga, maitatanong kung meron ba talagang ginagawa ang task force na pinamumunuan ni Ginoong Egco? At bakit hanggang ngayon wala pa ring naparurusahan kung sino ang pumatay sa mga journalist?
Sabi ng isang opisyal ng NUJP, “nagpapatawag naman ng meeting ang Task Force on Media Security, meron namang effort. Pero hanggang investigation na lang ba ang nagagawa nila? Resulta pa rin ang hinahanap namin.”
Ang nakapagtataka rin ay kung bakit walang mga workshop o seminar na inilulunsad ang Task Force on Media Security sa hanay ng mga reporter. Hindi tulad ng NUJP na patuloy na nagsasagawa ng mga workshop para ipaliwanag sa mga mamamahayag kung ano ang nararapat na gawin kapag nahaharap sa mga panganib.
Tulad nang ginawa ng Freedom Fund for Filipino Journalists (FFFJ) na naglimbag ng pamphlet (Staying Alive) noong 2003 at ipinamahagi sa mga journalist para maging gabay nila habang gumaganap ng kanilang tungkulin.
Kaya nga, mukhang nagkamali si Ichu ng Philippine Star sa kanyang column “No more ‘Cold’ Cases” (12-30-16) nang sabihin niyang: “If there is one thing that looks promising in this latest media killing case – hopefully there would be no new incidents – it will be solved with greater certainty because no less than the former working journalist is on top of the job. The executive director of the newly created Task Force is Joel Egco.”
Amen, hallelujah!
SIPAT – Mat Vicencio