ISA pang pakiwari namin ay suicide ang ginawang hakbang na itapat ang Mulawin vs Ravena sa La Luna Sangre. Feeling siguro ng mga Taong Ibon ay kaya nilang talunin ang mga bampira at lobo.
Paano mangyayari iyon, sa fans palang ni Sandrino (Richard Gutierrez) ay halos talunin na niya ang supporters’ ng mga bida ng Taong Ibon.
Eh, paano pa ang fans ng KathNiel na talagang nakatutok gabi-gabi sa LLS bukod pa sa mga nanonood sa IWantTV na hindi umaabot sa regular programming katulad mo, Ateng Maricris?
Kaya naman parehong tumiklop ang mga pakpak ng mga Taong Ibon sa mga bampira at lobo nitong Lunes sa rating na 33.7% vs 14.7%. Hindi pa nagkasya dahil sinundan pa noong Martes sa rating na 32.7% vs 13.5%.
Noong una panay ang komento namin na ang dami-dami o padagdag ng padagdag ang cast sa La Luna Sangre kaya nakalilito na, pero malaking tulong iyon para sa programa dahil sa bawat cast ay may sariling followers, eh, ‘di makatutulong nga sa pagtaas ng ratings.
Ganito rin naman ang ginawa ng Mulawin vs Ravena, katunayan halos lahat na ng artista ng GMA 7 ay isinaksak na nila, pero parang hindi naman din nakatulong kasi lagi naman silang nalalamangan ng mga programa ng ABS-CBN.
Anyway, may nagtanong sa amin habang tinitipa ang kolum na ito, ”hanggang kailan ang ‘La Luna Sangre’?”
Sabi namin, ‘naku, hindi namin alam dahil hangga’t maganda ang ratings at feedback plus maraming TV ads ay asahan mong mae-extend ito.’
Sabay binalikan namin ng tanong ang kausap namin, ‘hanggang kailan ba ang ‘Mulawin vs Ravena’? Hindi pa ba sila pagod lumipad?’
Nagkatawanan na lang kami, hay kuwentuhang showbiz.
FACT SHEET – Reggee Bonoan