ALAM ba ninyong ang isyu ng pagsusuot ng high heels, pag-a-apply ng make-up na parang sasali sa beauty contest sa sobrang kapal ay mga isyung matagal nang inilaban ng mga sales lady sa SM Cubao sa Department of Labor and Employment (DOLE)?!
Bureau of Labor pa yata noon ang DOLE.
Bukod sa dalawang isyu na ‘yan, inilaban din ng mga sales lady sa SM Cubao ang kasigurohan sa trabaho. Kung hindi tayo nagkakamali, ang mga sales lady noon sa Cubao kapag tumuntong sa 30-anyos ay binibigyan na ng termination order kasi matanda na raw sila para sa trabaho.
At higit sa lahat, bawal ang may suot na shorts o half slip bilang undergarments sa mga sales lady ng SM noong araw, kailangan naka-panty lang.
At bago sila lumabas ng trabaho, iinspeksiyonin pa sila ng bisor at guwardiya kung walang itinatago sa kanilang mga panloob.
At ‘yun po ang katotohanan noong mga panahon na iyon. Kapag sales lady ka, ikaw ay kailangan magbihis na parang isang kontesera sa beauty pageant.
Pagkatapos nang halos apat na dekada, ngayon lang napagtanto ng lipunan kung anong hirap ang dinaranas ng mga sales lady sa otso oras na kanilang pagtatrabaho.
Maghapong naka-high heels at walang upuan!
Ngayon, naglabas na raw ng patakaran ang DOLE sa pamamagitan ng Occupational Safety and Health Center (OSHC), the Bureau of Working Conditions (BWC) at ng Bureau of Special Working Concerns (BSWC).
Ipinatitigil na ng DOLE ang pagsusuot ng high heels ng mga sales lady at pinabibigyan ng pahinga sa pagkakatayo sa loob nang mahabang oras bukod pa sa regular breaktime.
Ilang mga kaibigan nating Chinese nationals na retirado na sa kanilang trabaho bilang sales lady sa Hong Kong, 20 taon silang maghapong nakatayo, hindi naka-high heels kundi flat shoes pa ang suot nila sa paa pero ngayon sa pagtanda nila ay may problema sa tuhod (knee injury).
E paano pa kaya ‘yung mga sales lady dito sa ating bansa na maghapong naka-high heels at walang pahinga?!
Kaya kung seryoso ang DOLE sa kanilang bagong patakaran maniniwala tayo sa sinabi ni Senator Nancy Binay na, “Kaya nga isang malaking hakbang tungo sa makataong pagtrato sa mga kababaihan sa kanilang trabaho ang polisiyang ito.”
Sana nga.
Pansamantala, pasasalamatan natin si Secretary Silvestre “Bebot” Bello III.
Pero sana, silipin pa niya ang mas nakaaawang kondisyon ng iba pang mga manggagawa sa buong bansa.
By the way, may inilalaan bang parusa ang DOLE sa mga kompanyang mahuhuling nagpapasuot pa rin ng high heels at hindi binibigyan ng pahinga ang mga sales lady!?
Parang wala kaming naririnig…
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com