HINDI biro ang avian flu virus na tumama sa daan-daang libong manok, itik at pugo sa Pampanga. At lalong hindi biro ang posibleng animal-to-human infection, sa sandaling hindi ito maabatan ng ating pamahalaan.
Kaya ngayon pa lamang ay dapat paigtingin ang pagmo-monitor sa mga manok na itinitinda sa mga pamilihan upang matiyak na hindi kontaminado ng virus.
Hindi lamang ang Department of Agriculture, Department of Trade and Industry ang dapat naka-monitor sa paglaganap ng virus, kundi maging ang Department of Health.
Partikular na dapat tutukan ng DTI, DA at DOH ang information campaign kaugnay sa naturang virus upang maiwasan ang pagkalat nito at ang posibilidad na animal-to-human infection.
Ngayong wala pang kaso ng animal-to-human infection, huwag na sanang hayaan pa ng mga nasabing ahensiya na magkaroon nang ganitong kaso, na ayon na rin sa mga ulat, kadalasan ay nakamamatay.
Kailangan din ang matinding kooperasyon ng local government units para higit na mapagtuunan ang information campaign sa kanilang mga nasasakupang mamamayan.
At siyempre, mahalaga ang kooperasyon ng mamamayan dito. Tiyakin palagi na ang bibilhing manok ay ligtas, at siguruhing lulutuing mabuti ang manok na ulam na ihahain sa pamilya, nang sa ganoon ay maging ligtas ang lahat sa sakit na maidudulot nito.