SA nakaraang presscon ng Birdshot ay nakiusap si John Arcilla na isa sa bida, na sana tangkilikin ng lahat ang pelikula nila dahil napakaganda ng pagkakagawa ng batang direktor na si Mikhail Red. Katunayan, napakaraming bansa na ang naikot nito at halos lahat ng mga nakapanood sa iba’t ibang bansa ay puring-puri angBirdshot.
Hinirang itong Best Picture for Asian Film sa nakaraang 29th Tokyo International Film Festival. Hindi lang sa Tokyo, Japan napanood ang Birdshot kabilang na rin ang mga bansang South Korea, Lithuania, Laos, Sweden, Thailand, at Belgium. Naging opening ang Birdshot sa nakaraang Cinemalaya Film Festival na ngayon ay entry saPista Ng Pelikulang Pilipino simula ngayong araw, Miyerkoles, Agosto 16.
Sabi ni John, ito ang sumunod niyang pelikula sa TBA Studios pagkatapos ng box-office hit na Heneral Luna. Aniya, ”hindi naman po ako nata-typecast sa uniformed man. Ito na po ‘yung last! Ha! Ha! Ha! Sa susunod yata naka-wig na ako.
“I already said yes to Mik (direk Mikhail) since he was nine when we were together in Japan. Kasama ko ang father (Raymond Red) niya to represent the Philippines.
“So after naming gawin ang ‘Heneral Luna’, hindi pa naipalalabas, naka-yes na ako sa kanila. Hindi ko na siya natanggihan. Dito, ako nagri-represent ng other side. Nasa bahagi kami ng kinder part ng sosyedad,” kuwento ng premyadong aktor.
Nakiusap din si John sa entertainment press na dumalo sa presscon ng Birdshot dahil iilang sinehan (60 theaters) lang ito maipalalabas kompara sa ibang pelikula na mahigit sa 100 theaters.
“Kasi I think it’s for the bookers, eh. Malaki ang pangangailangan namin sa inyo dahil tayo ay magkaibigan at matagal nang magkakasama. Hindi siya common na klase ng pelikula na hindi malayo sa audience. In fact, pampamilya siya. Samahan ninyo po kami na imbitahan ang mas maraming manood,” pakiusap ng aktor.
Ang Birdshot ay produced ng TBA Studios (Tuko Films, Buchi Boy Entertainment at Articulo Uno Productions) at Globe Studios mula sa direksiyon ni Mikhail Red, pinakabatang direktor na may entry sa PPP.
FACT SHEET – Reggee Bonoan