ALAM ba ninyong ang kinawatan ‘este mali’ kinatawan ng isang party-list ay idineklara ng Forbes magazine na ika-49 sa mayayamang Filipino?
‘Yan ay noong 2016 nang ang kanyang net worth ay US$150 milyon. Dolyares po ‘yan hindi piso.
Si Rep. Mikee Romero, kinatawan ng 1-Pacman party-list ay nagdeklara ng kanyang net worth sa P7 bilyones.
Habang si Emmeline Aglipay-Villar, kinatawan ng party-list na Democratic Independent Worlers Association Inc. (Diwa) ang ikalawang pinakamayaman na miyembro ng Kamara. Siya ay asawa ni Public Works Secretary Mark Villar at siyempre manugang ng isa pang bilyonarya sa Kongreso na si Senator Cynthia Villar.
Hindi lang silang dalawa ang bilyonaryo at milyonaryong kinatawan ng party-list sa Kongreso. Marami pang iba.
Ang tanong, ano ba ang interes nila sa party-list? Hindi ba’t malinaw na ang party-list ay para sa marginalized sector?
Paano naging kinatawan ng isang marginalized sector ang isang bilyonaryo at mga multi-milyonaryo?
Aba, kung gusto pala nilang tumulong, bakit hindi na lang ang pera nila ang ipamigay nila sa mga mahihirap o kinakatawan nila? Mas mabilis pa!
Kung mga businessman na kayo at ‘yung iba naman ay yumaman sa kanilang karera, bakit gusto pa ninyong pumasok sa Kongreso?!
Ano ang ultimong layunin ninyo?
Kaya tama lang ang sinasabi ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na tanggalin na ‘yang party-list system, dahil sa totoo lang hindi naman naglilingkod sa mga sinasabing marginalized sectors.
At higit sa lahat, ang laki ng pondo at nagagastos diyan na kung susuriin ay duplicate lang ng trabaho ng mga regular congressman.
Sabi nga ng isang political observer, “party-list system is looting taxpayers’ money in the name of marginalized sectors straight to the pockets of their representatives!”
‘Yun na!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com