PURO porma lang talaga itong si Labor Sec. Silvestre Bello III. Sa halip kasing aksiyonan agad ang isyu tungkol sa pagsusuot ng high heels ng mga empleyado sa mga department stores at supermarket, kung ano-ano pang paikot ang ginagawa nitong si Bello.
Mahirap bang maglabas ng isang kautusan ang Labor department na ipagbawal sa mga employer na sapilitang pagsuotin ng high heels ang kanilang sales ladies sa oras ng kanilang trabaho?
Kesyo pag-aaralan pa raw nitong si Bello ang usapin at bubuo pa raw ng technical working group kung paano matitigil ang sapilitang pagpapasuot ng mga employer sa kanilang mga empleyado ng sapatos na may matataas na takong.
Bukod sa mga sales lady, ang iba pang mga sapilitang pinagsusuot ng high heels ay mga promo girls, flight stewardess, at maging security guards na babae.
Ang problema kasi nitong si Bello, laging pinahihirap ang simpleng bagay. Bakit hindi ba siya makagagawa ng isang kautusan na magbabawal sa mga employer, lalo na ang SM department stores at supermarkets na sapilitang pinagsu-suot ng high heels ang kanilang sales ladies at cashiers.
Takot ba si Bello na banggain ang SM na pag-aari ni Henry Sy? Kaya kung ano-anong paeklat ang ginagawa bago makapagdesisyon?
Ang SM department store ang maituturing na pinakamalupit na employer pagdating sa pagpapasuot ng high heels sa sales ladies. Napakalupit din nito dahil ipinagbabawal sa sales ladies at cashier ang pag-upo. Ang mga kahera sa likod ng mga counter ay walong oras na walang upo! Isipin na lang ninyo ang mga babae na pawang nakasuot ng high heels na hindi pinauupo.
Kung tutuusin, matagal na itong inirereklamo ng mga sales lady ng SM pero walang aksiyong ginagawa ang management. Ilang beses na rin itong inilapit sa pamahalaan, pero hindi rin pinakikinggan ng ating mga mambabatas at maging ng DOLE.
Hindi lamang ang Trade Union of the Philippines (TUCP) ang nagrereklamo sa usapin ng pagmamalupit ng mga employer kundi maging ang ilang militanteng grupo gaya ng Kilusang Mayo Uno (KMU). Matagal na nilang tinutuligsa ang pang-aabusong ito pero walang pumapansin.
Kung talagang may malasakit si Bello sa mga pinagsasamantalahang empleyado dapat ay umaksiyon kaagad sa isyu ng high heels at upuan. At maiging ipatigil na rin ang contractualization na talamak na talamak sa SM at iba pang malalaking department store sa Filipinas.
Pero talagang walang alam itong si Bello, imbes kasing bigyan ng upuan ang mga cashier ang gustong mangyari ni Bello ay 10 minutong pahinga ang ibigay sa kanila kada oras na pagtayo. At pagkatapos, tayo na naman! Ang usapin dito, bigyang ng upuan ang mga kahera!
Ano ba kasi ang problema kung bibigyan ng upuan ang mga kahera habang nagtatrabaho? Lalo nga silang bibilis sa kanilang trabaho kung maayos ang kanilang sitwasyon sa pinagtatrabahuan.
Wala talagang maaasahan kay Bello. Sa usapin ng peace talks, palpak; sa usapin ng trabaho, palpak pa rin. Sa usapin ng pagbibigay ng proteksiyon sa mga manggagawa, lalo na sa maliliit na sales ladies, lalong palpak!
Mag-resign ka na Bello!
SIPAT – Mat Vicencio