MAHIGPIT na ipatutupad ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang “No Pockets, No Jewellery, No Watch Policy” sa ramp ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Bukod diyan, mahigpit na ring ipatutupad ang paghihigpit sa mga kompanyang hindi susunod sa patakaran ng MIAA.
Ayaw na kasing maulit ni GM Monreal, ang kahihiyang inabot ng ating bansa nang nakawan ng apat na baggage loader ang asawa ng Turkish Foreign Minister.
Sonabagan!
Isang malaking kahihiyan talaga ‘yan!
Mahigpit na ring ipinag-utos ni GM Monreal sa admin office na maging mahigpit sa mga job order (JO) personnel.
Sabi nga ni GM, mukhang hindi uubra ‘yung konsultahan nang konsultahan lang tayo pero pagdating sa implementation ay hindi sumusunod ang mga kompanyang nasa loob ng hurisdiksiyon ng MIAA.
Mali naman talaga ‘yun.
Ang kapuna-puna talaga rito, bakit no’ng nagalit si GM Monreal agad nakapagsagawa ng ‘surprise inspection’ sa locker ng mga baggage loader ang kompanya?
Bakit kapag mga kababayan natin na nawawalan nang malaking halaga lalo ang overseas Filipino workers (OFWs) bakit hindi nakapagsasagawa ng inspeksiyon sa lockers ng mga baggage loader?!
Mantakin ninyo, kayang-kaya naman pala nilang tukuyin kung sino ang puwedeng inspeksiyonin, bakit hindi ginagawa noon pa?!
Ang daming nabiktimang Balikbayan boxes, mga bagahe ng OFWs, alahas, cash at iba pa, ‘yun lang pala ang solusyon, ‘surprise inspection’ bakit hindi ginagawa kapag maliliit na kababayan natin ang nawawalan.
GM Ed Monreal Sir, naniniwala ba kayong, baggage loaders lang ang nakikinabang diyan?!
Pakiimbestigahan pong mabuti GM!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com