MATINDI ang pagtutol ni Senate Blue Ribbon Committee chairman Sen. Richard Gordon sa ideyang buwagin ang Bureau of Customs (BoC), sa harap ng mga kontrobersiyang bumabalot sa naturang tanggapan.
Ayon kay Gordon, ito ay parte ng gobyerno at isa ito sa mga pinagkukuhaan ng pondo ng pamahalaan.
Giit ni Gordon, palitan na lang ang mga opisyal ng BoC, lalo na si Commissioner Nicanor Faeldon at pumili ng magagaling na puwedeng pumalit sakaling mabakante ang posisyon.
Hindi rin daw siya nawawalan ng pag-asa na makakukuha agad ng mabubuting tao para ilagay sa Customs.
Naniniwala ang mambabatas na marami pang may integridad sa ahensiya at kailangan lamang tanggalin ang masasama.
Una rito, ipinahayag ni Sen. Drilon, dapat magkaroon ng rigodon sa BoC dahil hindi na mapagkakatiwalaan ang mga opisyal bunsod ng mga nangyari.
Kung maaalala, malaking isyu kung paano nakalusot sa kamay ng ahensiya ang 600 kilo ng shabu, P6.4 bilyon ang halaga, na nakompiska sa Valenzuela City.
(CYNTHIA MARTIN)