GINUNITA ngayong linggong ito sa bansang Hapon at ilang panig ng mundo ang ika-72 anibersaryo nang pagpapasabog ng bomba atomika sa Hiroshima at Nagasaki, Japan na libo-libong sibilyan at sundalong Hapones ang namatay.
Sa kabila ng pagiging kontrobersiyal ng mga pangyayaring ito ay hindi maitatatwa na binago nito ang daloy ng kasaysayan. Iniluwal ng mga pangyayaring ito ang panahon ng lakas atomika. Inianak din nito ang paniniwala na ang bombahang naganap sa dalawang siyudad na nabanggit ang nagtulak sa bansang Hapon upang sumuko.
Pero ayon sa ilang historyador ito ay hindi totoo. Paliwanag nila ang paglusob ng puwersa ng Unyong Sobyet sa Manchuria noong ika-9 ng Agosto 1945, ang araw kung kailan ibinagsak ang bomba atomikang binansagang “Fat Man” sa Nagasaki, ang sumira ng loob ng mga Hapones. Ang pambobomba sa Nagasaki ay naganap tatlong araw matapos din gamitan ng bomba atomika na may bansag na “Little Man” ang lungsod ng Hiroshima.
Paliwanag ng mga historyador ang pakikilahok ng Unyong Sobyet sa digmaan sa Pasipiko at pagkampi nito sa mga Amerikano ang bumali sa paninindigan ng puwersang militar ng bansang Hapon para ipagpatuloy pa ang digmaan. Sumuko ang mga Hapon sa puwersang alyado na kinabibilangan ng US at Unyong Sobyet noong 15 Agosto 1945.
Idinagdag ng mga historyador na nagulat ang mga Amerikano sa mga nasamsam nilang higit na makabago at malakas na armas mula sa mga Hapon. Ang mga sandatang ito, na kinabibilangan ng jet fighters at submarino, ay nakatago sa mga kabundukan ng bansang Hapon, isang indikasyon na patuloy silang lalaban sa puwersang Amerikano.
Ipinaalala ng mga historyador na may mahigit pang isang milyong sundalong Hapones sa Manchuria bago lumusob ang mga Ruso roon. Sakop pa rin ng bansang Hapon ang buong Indo-Tsina, Thailand, malaking bahagi ng Tsina, Taiwan, Korea at Rabaul at tanging Filipinas lamang, Okinawa, Iwo-Jima at ilang maliliit na isla sa Pasipiko ang hawak ng mga Amerikano.
Tantiya ng mga historyador kung hindi pumasok ang mga Ruso ay magiging tabla o stalemate ang labanan ng mga Amerikano at Hapones sa Pasipiko at hindi magkakaroon ng “unconditional surrender” sa Tokyo Bay.
Gayonman ay may mga naniniwala, sa kabila nang pananatili ng puwersang Hapones sa Timog Silangang Asya at Tsina ay malinaw na patalo na sila sa digmaan sa Pasipiko kaya kinondena nila ang pagbagsak ng bomba atomika.
Anang mga kritiko, ang talagang layunin ng mga Amerikano sa kanilang pasya na bagsakan ng bomba atomika ang bansang Hapon ay takutin ang mga Ruso. Ang mga bombahang naganap sa Hiroshima at Nagasaki ang simula ng Cold War at hindi ang barikada na itinayo ng mga Ruso sa Berlin, Alemanya noong 1949.
***
Naisahan ang mga Amerikano ng mga Intsik sa katatapos na pulong ng foreign ministers ng Association of Southeast Asian Nations. Para sa karagdagang detalye ay pasyalan ninyo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com
Sana ay makaugalian ninyong bisitahin lagi ang website ng Beyond Deadlines at panoorin ang segment nito sa Pinoy Houston TV o Howdy Philippines channel ng YouTube. Salamat po.
***
Kung ibig ninyong maligo sa hot spring ay maaari kayong pumunta sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subdivision, Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City. Malapit sa Metro Manila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Magpadala ng mensahe sa www.facebook.com/privatehotspringresort para sa karagdagang impormasyon o reserbasyon ng lugar. Salamat po.
USAPING BAYAN – ni Rev. Nelson Flores, Ll.B., MSCK