MALAYA nang makapaglalamiyerda ‘este makalalabas ng bansa ang mga opisyal at empleyado ng local government units (LGUs) kung mayroon silang nakatakdang biyahe na labas sa kanilang trabaho sa pamahalaan.
Naglabas na kasi ng direktiba ang Bureau of Immigration (BI) na hindi na nila hahanapan ng Travel Authority (TA) ang mga opisyal o empleyado ng LGUs na lalabas ng bansa.
Batay ito sa New Guidelines on Travel Authority na ipinalabas ng Department of Interior and Local Government (DILG) na pinirmahan nitong nakaraang Pebrero ni noo’y acting pero ngayon ay sinibak na DILG Secretary Ismael Sueño.
Alinsunod sa nasabing guidelines, kinakailangan na lang ipakita sa mga daraanang immigration officers ang kanilang “approved leave of absence” na pinirmahan ng kanilang department heads sa kanilang munisipalidad o siyudad.
Ngunit hindi lahat ay pasok sa naturang direktiba ng DILG, ang mga gobernador at alkalde na nagmula sa highly urbanized at chartered cities ay kinakailangan pa rin kumuha ng “travel authority” sa DILG kapag sila ay lalabas ng bansa.
Dapat ay nakasaad dito ang nature at purpose ng kanilang biyahe at kung gaano sila katagal mawawala sa kanilang hurisdiksiyon.
Gayonman, puwede pa rin silang makalusot sa direktiba kung hindi lalampas nang tatlong buwan ang pagkawala sa bansa.
Sa isang banda, bentaha ito para sa immigration officers (IO).
Bukod kasi sa mapapadali ang kanilang trabaho, maiiwasan pa ang pakikipagkulitan at pakikipagtalo sa ilang LGU employees na hinahanapan ng kanilang travel order/authorities.
May ilang eksena nga na sila pa ang nagtataray sa mga IO kapag ang hinanapan nila ng TA ay ‘yung matataas ang posisyon sa gobyerno kabilang na rito ang mga mayor at ilang konsuhol ‘este konsehal at ultimong kupitan ‘este kapitan ng barangay!
Madalas kasi na nagdi-disguise pa sila at nagpapakilalang mga businessmen lalo at ang kasama sa kanilang mga biyahe ay kanilang mga bet-ka o kulakudidang?!
O ‘di ba!?
Agad ipinatupad ni BI Commissioner Jaime Morente at BI-POD Chief Marc Red Mariñas ang nasabing kautusan sa lahat ng paliparan at daungan sa buong bansa.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com