MARAMI na namang nagmamagaling na kumukuwestiyon sa madugong insidente na ikinasawi ni Mayor Reynaldo Parojinog Sr., at 14 pa nitong Linggo ng madaling-araw sa Ozamiz City.
Kabilang diyan si ‘Batorni’ este, Atty. Ferdinand Topacio, ang tumatayong abogado ni Ozamiz City Vice Mayor Nova Princess Parojinog na anak ng napaslang na alkalde.
Kamakailan lang ay tumayong abogado si Topacio ng mga drug convict sa New Bilibid Prisons (NBP) na nagdiin kay Sen. Leila de Lima bilang No. 1 protector sa kalakalan ng ilegal na droga sa Bureau of Corrections (BuCor) at isa ang dating live-in partner ng vice mayor na si Herbert Colanggo sa kanyang mga kliyente.
Sabi ni Topacio, igigiit niya ang pagpapalaya kay vice mayor dahil wala pa raw naisampang kaso ang Philippine National Police (PNP).
Sa batas kasi ay dapat palayain ang sinomang naaresto kapag sa loob ng 36-oras ay hindi nasampahan ng kaukulang kaso sa piskalya.
May ilang mambabatas sa oposisyon ang may kani-kaniyang sinasabi kontra sa PNP na kesyo planted ang mga ebidensiya, etc.
Pati ang Commission on Human Rights (CHR) ay magsasagawa rin daw ng kanilang imbestigasyon.
Madali lang para sa magagaling na mambabatas at sa CHR ang kumuwestiyon dahil wala naman sila pare-pareho sa Ozamiz City nang isagawa ang operation laban sa mga Parojinog.
Sabi ni Batorni, este, Atorni Topacio, maghahain din daw siya ng petition for habeas corpus.
Ibig sabihin, idudulog ang petisyon sa hukuman para hilingin na ipag-utos sa PNP na iharap si vice mayor sa husgado upang alamin kung tama ang ginawang pag-aresto sa kanya.
Kung paulit-ulit panonoorin ng mga damuhong nagmamagaling ang kuha ng isang video na inilabas ng GMA 7, kitang-kita si vice mayor na tinangkang agawin ang ebidensiya na nakuha rin sa kanya ng mga babaeng pulis.
Ang nakakalimutan ni Batorni Topacio at ng mga kumukuwestiyon sa naganap na operation ng PNP, kasalukuyang umiiral ang Martial Law sa Mindanao.
Nalimutan ba nila na ang Ozamiz City ay nasa Mindanao at sakop ng umiiral na Martial Law?
Kung may dapat tayong ipagtaka ay bakit kinailangan pang kumuha ng warrant of arrest laban sa mga Parojinog, gayong may Martial Law nga sa Mindanao?
Suspendido rin ang writ of habeas corpus sa Mindanao at Ozamiz City kaya walang puwedeng ipagpasikat si Batorni Topacio sa kanyang kliyente.
Para saan pa ang Martial Law kung kailangan pang dumaan sa normal na proseso?
Ang ginawang raid sa mga Parojinog ay justified kahit walang warrant of arrest kaya walang dapat ipaliwanag ang PNP.
CHR, MABAIT
SA PAROJINOG
NAKALABAS na noong nakaraang linggo ang tinaguriang ‘Ilocos Six’ matapos ang matagal na pagkakadetine sa Kamara.
Pero ni ha, ni ho ay wala tayong narinig na nagsalita ang CHR sa nalabag ng karapatan ng Ilocos Six.
Wala bang nakitang grave abuse of authority ang CHR sa inasal ng mga mambabatas sa Kamara laban sa Ilocos Six na nalabag ang karapatan?
Palibhasa ay si Gov. Imee Marcos ang pinuntirya ng mga aso ni Speaker Pantaleon Alvarez sa Kamara kaya balewala sa CHR kahit nalabag ang karapatang-pantao ng Ilocos Six.
Pero sa kaso ng mga Parojinog ay matulin pa sila sa alas-kuwatro.
Kaya naman obvious na napaghahalatang nagpapagamit lang ang CHR sa mga kakampi nila sa politika, lalo kay Pres. Rodrigo R. Duterte at sa mga Marcos na kalaban ng among si PNoy at ng Liberal Party.
Kung partisano ang CHR, dapat partisano rin ang kanilang suweldo na dapat tanggapin sa pamahalaan.
Ang hirap ay galit lang ang CHR kay Pang. Digong, pero sa pera ng kasalukuyang administrasyon ay hindi sila galit.
Bago sana sila sumuweldo, ipuwera din nila ang pera na nanggaling sa mga tao na hindi nila kapanalig kung ayaw makuwestiyon sa tahasang pamomolitika.
Sa susunod, sa mga drug lord na gusto lamang idepensa ng CHR sila humingi ng suweldo.
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG – Percy Lapid