HINIMOK ni Pangulong Rodrigo Duterte ang publiko na patuloy na gamitin ang wikang Filipino bilang instrumento ng pagkakaisa upang maisakatuparan ang mga reporma at layuning itaas ang kalidad ng ating buhay at kasalukuyang estado ng bayan.
Sa kanyang mensahe sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa ngayong Agosto, binigyan-diin ni Pangulong Duterte ang mahalagang papel ng wikang Filipino para pagbuklurin ang mga mamamayan tungo sa sama-samang pagkilos upang makamit ang kapayapaan, kaunlaran at kasaganaan sa ating lipunan.
Aniya, mahigit isang taon na mula nang nangako siya ng tunay at makabuluhang pagbabago at lahat ng pagsubok ay magkatuwang na sinagupa at nalampasan ng pamahalaan katuwang ang mga mamamayan at malaki ang papel ng Wikang Pambansa upang mapanatili ang pagkakaisang ito.
Ikinagalak ng Punong Ehekutibo ang tema sa taong ito, “Filipino: Wikang Mapagbago” dahil naaangkop ito sa pagsusulong ng mga repormang makapagpapatatag sa bansang Filipinas.
Mahaba na aniya ang nilakbay natin, nakikita na ang mga bunga ng pagsisikap, mas nakilala sa buong mundo ang ating pagka-Filipino dahil sa ating wika at sa kulturang pinangangalagaan natin.
(ROSE NOVENARIO)