SA kabila nang pagkaunsiyami ng peace talks, ipinagkatiwala pa rin ng New People’s Army (NPA) na iharap kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pinalayang prisoner of war (POW) na pulis sa Davao City, kamakalawa ng gabi.
Batay sa kalatas ng Palasyo, hiniling ng Front Committee 25 ng NPA na palayain ang POW na si PO1 Alfredo Basabica, Jr. kay Pangulong Duterte.
Ang tanggapan ni Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go ang nangasiwa sa paglaya ni Basabica, Jr., at sumundo sa kanya mula Baganga, Davao Oriental.
Nabatid na 17 araw binihag ng NPA ang naturang pulis mula nang arestohin siya ng mga rebelde habang patungo sa Compostela Valley noong 11 Hulyo.
Sinalubong si Basabica ng kanyang mga magulang at fiancee na si Princess Dacuycuy, na nakatakda sana niyang pakasalan noong Sabado (29 Hulyo).
Batay sa release order ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), pinalaya si Basabica bunsod ng mabuting asal habang nasa kustodiya ng mga rebelde at napunang pinagsisihan ng pulis ang kanyang mga kasalanan at nagkusang nangako na hindi na gagawang muli ng mga atraso laban sa rebolusyonaryong puwersa.
Matatandaan, ipinakansela ni Pangulong Duterte ang backchannel talks sa NDFP nang tambangan ng mga rebeldeng NPA ang mga tauhan ng PSG sa Arakan, North Cotabato kamakailan.
Nauna nang ipinatigil ni Pangulong Duterte ang formal talks noong 27 Mayo nang utusan ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang NPA na paigtingin ang pag-atake sa mga tropa ng pamahalaan sa Mindanao bilang pagkondena sa martial law.
ni ROSE NOVENARIO