MARAMING Airport police ang nagtatanong kung kailan maili-lift ang memorandum sa kanila kaugnay ng leave cancellation.
As in lahat ng klaseng leave ay suspended until when?!
Nitong nakaraang buwan ng Mayo nag-isyu si Manila International Airport Authority Assistant General Manager for Security and Emergency Services (MIAA AGM-SES) Allen Capuyan ng memorandum na kanselado ang leave ng mga Airport police.
‘Yan kasi ‘yung tinatawag na peak season, na marami ang dumarating at marami rin ang umaalis na pasahero dahil sa pagpapalit ng panahon sa iba’t ibang bansa.
Nagpasidhi pa sa sitwasyon ang krisis sa Marawi kaya nagkaroon ng mahigpit na seguridad sa NAIA.
Kamakailan, ilang pulis ang nag-apply ng leave dahil nagkakasakit sila dulot ng masamang panahon. Nakapag-sick leave naman ‘yung pulis, ang siste, without pay dahil hindi pa rin naili-lift ‘yung memorandum ni AGM-SES Capuyan na cancellation of leaves.
Kaya bigong-bigo ang nasabing mga pulis at para mapunuan ang pangangailangan nila ng kanyang pamilya sa panahon na absent siya e baka nakapangutang pa.
Sonabagan!
Kawawang airport police naman…
Pero hindi lang ilang pulis ang nagkakasakit. Alam naman natin na kapag tag-ulan ay maraming kababayan natin ang nagkakasakit lalo na ‘yung mga nagtatrabaho nang lampas sa otso oras o madalas ay kinakailangan magtrabho ng 24-oras gaya nga ng mga Airport police.
Ang problema tuwing absent sila, bawas ang suweldo nila. Mahigpit kasi ang utos na “no work no pay.”
Lumalabas tuloy na ‘yung sinasabing temporary cancellation of leaves ay naging indefinite na?!
Ganoon ba ‘yun AGM Capuyan?
Hiling ng mga Airport police, sana’y mabigyang-pansin ni MIAA General Manager Ed Monreal ang nasabing isyu, para malaman nila kung hanggang kailan epektibo ang cancellation of leaves ni AGM Capuyan?!
Sana’y mailinaw ni GM Monreal sa lalong madaling panahon ang isyung ito. Maraming Airport police ang kahit kailangan mag-leave ay nag-aatubili dahil apektado ang iuuwi nilang suweldo sa pamilya.
Pakiklaro po agad GM Monreal please, para po sa kapakanan ng ating mga Airport police.
By the way, ang himutok pa pala ng mga airport police bakit ‘yung ibang opisyal sa MIAA ay nakapagle-leave nang matagal at with pay pa!?
Wattafak?!
KAPAG PUNO
NA ANG SALOP
KINAKALOS…
Mukhang ganito ang pagtingin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kostumbre ni Communist Party of The Philippines (CPP) founder Jose Maria Sison at sa mga naiwan niyang kapanalig dito sa “bukid, bundok, pagawaan at parang.”
Patuloy na sinasabi ng mga pulahan, na uubrang magkaroon ng peace talks kahit walang tigil-putukan.
Sa madaling sabi, hindi minamasama ng CPP, New People’s Army (NPA) at National Democratic Front (NDF) na habang nakikipag-usap sila sa Government of Republic of the Philippines (GRP) tungkol sa kapayapaan ay panay naman ang pagsasagawa ng ambush ng kanilang armed group.
Hindi lang ambush, may extortion din as in revolutionary tax kuno.
Hindi natin alam kung seryoso ba talaga si Ka Joma makipag-usap sa gobyerno o panlalansi lamang para patuloy na maisulong ang kanilang ganansiya ‘este mithiin kuno.
Habang si Joma Sison ay nagpapalamig-lamig doon sa The Netherlands, masarap ang tulog at masarap ang kinakain, ang kanyang mga kapanalig dito sa Filipinas ay naroon sa bundok at nakikipaglaban. Hindi alintana ang gutom, sakit at hirap dahil naniniwala sila sa sariling propaganda na malapit na silang magtagumpay.
Alam ba ninyong, ang gumagastos sa ginaganap na peace talks ay Royal Norwegian Embassy kaya siguro parang walang pakialam si Joma at ang kanyang mga kapanalig kung mang-ubos sila ng oras nang may oras…
Pero sa totoo lang, pagdating sa huli, makikita ng grupo nina Joma kung sino ba talaga ang nauubusan ng oras dahil sa kawalan ng pagpapahalaga sa oportunidad na tila inihain sa kanila sa bandehadong pilak.
Totoong hindi mabubura ang pinagsamahan, paggalang at pag-idolo sa kanya ni Tatay Digong, pero dapat mapagtanto ni Joma na hindi na niya estudyante si Digong ngayon…
Pangulo na siya ng Filipinas na ang dapat pairalin ay pabor sa kapakanan nang mas nakararaming Filipino.
Higit sa lahat, napupuno rin ang salop ng Pangulo…
At alam nating hindi mangingimi si Pangulong Duterte na kalusin ang salop kapag umaapaw na’t wala nang mapaglagyan ang kanyang pasensiya.
Ngayon, itatanong lang natin muli, sino ba talaga ang nauubusan ng oras?!
MRT IRESPONSABLE
AT HINDI RAMDAM
ANG PANGANGAILANGAN
NG COMMUTERS
Isang single mom ang labis na nasaktan sa karanasan niya nitong Sabado ng hapon.
Galing siya sa kanyang klase sa Maynila nang biglang makatanggap ng tawag na itinakbo sa ospital ang kanyang 22-anyos anak dahil nagkaroon ng seizure.
Mabuti na lamang kahit nag-iisa sa kanilang bahay (sa northern part of Metro Manila) ang anak ay mabilis na nagpasaklolo nang maramdaman ang grabeng sakit ng ulo at paninikip ng dibdib.
Pero sa tricycle pa lang nawalan na ng malay ang kanyang anak kaya binuhat na mula sa tricyle para dalhin sa emergency room.
Eksakto pagpasok sa emergency room ay nag-seizure na ang bata.
Para mabilis na makarating sa kanilang lugar ipinasya ng ina na sumakay sa LRT hanggang Cubao at doon sasakay ng MRT para bumaba sa Quezon Avenue.
Doon na siya kukuha ng taxi o UBER patungo sa kanila. Pero alam ba ninyong, hindi tumigil sa Quezon Avenue ang MRT at nagderetso sa North Avenue?!
Sonabagan!!!
E kung maririnig lang ninyo ang hiyawan at galit ng mga pasaherong bababa sa Quezon Avenue e baka akalain ninyong may ISIS sa loob ng MRT coach na may body number 061-064-066.
‘Yung single mom na natataranta dahil kailangan agad niyang makarating sa ospital, halos himatayin sa sobrang pagod, galit, pagkadesmaya at eksasperasyon…
In short muntik atakehin sa puso!
Sonabagan!
Para pahupain ang kanyang sarili, minabuti ng single mom na makipag-usap sa opisyal ng MRT at pagpaliwanagin ang operator na si Leo Juetez kung bakit hindi niya inihinto sa Quezon Ave station, pero parang wala pa rin silang pakialam at parang gustong sabihin na… “Masanay ka na sa MRT mommy!”
Wattafak!
Paging DOTr Secretary Art Tugade, Sir, hindi pa ba ninyo nasosolusyonan ang paulit-ulit na problema sa MRT?!
‘Yan ba ang pagbabagong gusto ni Pangulong Digong?!
Pakisagot lang po!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap