“WHEN it rains, it pours.”
Depende nga lang kung ano ang ibubuhos ng ulan. Sa kaso ni Quezon City vice mayor Joy Belmonte, hindi baptism of fire kundi baptism of raining criticism ang sumubok sa kanyang ‘judgement call’ kamakalawa.
Talaga namang inulan ng galit at pangungutya ang pansamantalang officer-in-charge ng lungsod na si Vice Joy dahil huli na nang magsuspendi siya ng klase sa buong lungsod.
Impraktikal at ilohikal nga namang magsuspendi ng klase dahil nakapasok na ang mga bata kaya lalo lang silang nai-stranded, nagastusan at nabasa sa kalye dahil bumubuhos ang malakas na ulan at maraming kalye ang binabaha.
Hindi naman natin masisi ang mga nagagalit na magulang dahil kapakanan at kaligtasan ng kanilang mga anak ang pinag-uusapan dito.
Isa sa nakikita nating kahinaan dito, ‘yung labis na pagsalalay sa forecast ng PAGASA kung anong signal na ang bagyo bago magsususpendi ng klase ang mga opisyal ng gobyerno.
Gaya nga ng sabi ni Madam Vice Joy, kailangan pang mag-confer sila ni Sir Michael Marasigan, ang acting chief ng Disaster Risk Reduction and Management Council (DRRMC) ng Quezon City bago sila magdeklara ng suspensiyon ng klase.
Pero bilang isang opisyal, lalo na kung punong ehekutibo o OIC ng isang lungsod, dapat kabisado nila ang kondisyon ng kanilang lugar kapag malakas ang buhos ng ulan, dulot man ng bagyo o habagat.
Kaya nga may chief executive ‘di ba?!
Si Mayor Bistek naman kasi nasa lamyerda pa, ‘este nasa isang opisyal na biyahe pala sa Japan.
Anyway, nakuha namang mag-sorry agad ni Madam Vice sa mga magulang at siguro natuto na rin siya ng leksiyon.
Nagkaroon din siya ng realisasyon na siya ay isang ina rin kaya nauunawaan niya ang mga magulang na nagalit at nanlait sa kanya.
Base sa mga paliwanag ni Madam Vice, nakatali ang kanyang sense of decision making sa mga tagubilin at itinatakda ng mga batas.
Gaya umano ng atas ng Department of Education na hanggang 20-day class disruption lang umano sa buong school year ang pinapayagan.
Sa isang banda, may punto siya, pero hindi niya naisip ‘yung sinasabing “first thing first.”
Unahin niyang resolbahin ang nakaumang na sitwasyon at saka solusyonan ang mga susunod na konsekuwensiya.
Lesson learned ‘yan sa iyo, Madam Vice Joy.
May ambisyon ka pa naman na maging QC Mayor.
Next time, I’m sure that you are wise enough to make a Solomonic decision.
Sisihin mo na lang si Bistek!
Hehehe…
PANONOOD NG TELESERYE
IPAGBAWAL SA BI!
KAYA raw ba tumatagal ang ibang transaksiyon diyan sa Bureau of Immigration (BI) main office partikular sa Legal Division ay dahil sa walang patumanggang pagsubaybay ng ilang empleyado sa mga teleserye tuwing oras ng trabaho?
Mahirap din talaga ‘pag masyadong mabait ang boss dahil marami talaga ang pasaway na empleyado at umaabuso.
Ito ang comment ng ilang mga parokyano ng Bureau dahil marami sa kanila ang pabalik-balik sa kapa-follow-up ng kanilang mga dokumento.
Talagang bawal ‘yan!
Oras ng trabaho, ang inaatupag teleserye?!
Ang buong pagkaalam natin may guidelines na ang CSC tungkol sa mga ganitong trabaho ng ilang taga-gobyerno.
Kasama ‘yan sa mga maituturing na “red tape” sa isang ahensiya at hindi dapat ginagawa sa isang opisina.
Mas mabuti sigurong magkaroon ng directive si BI Commissioner Bong Morente na ipagbawal during office hours ang panonood ng TV at pakikinig ng radyo para mawala ang ganitong uri ng issue.
Or better yet, ipagbawal ang TV sets sa mga opisina.
E dito lang naman sa bansa natin pinapayagan na may TV set sa loob ng government office!
Malinaw ang sinasabi ng batas, “Public office is a public trust!”
HINAING NG MGA
BETERANONG
AIRPORT POLICE
Magandang umaga sir Jerry, demoralized kaming mga beteranong airport police dahil mukhang mauuna pang ma-promote na PO2 ang ilang bagong pulis (1-2 years) kaysa amin na halos 2 dekada mahigit nang nagsilbi sa airport. Sana tingnan rin ang length of service at record namin. Ma-review sanang mabuti ni GM Monreal ang kalagayan namin. Salamat po at kay GM.
+639187833 – – – –
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com