UPANG maituwid ang maling paniniwalang mga bayani ang teroristang grupong Maute/ISIS, magkatuwang ang civil society organizations for peace at Armed Forces of the Philippines (AFP) na naglulunsad ng stress debriefing sa mga kabataang bakwit mula sa Marawi City.
Sa Mindanao Hour press briefing sa Palasyo kahapon, sinabi ni AFP Spokesman B/Gen. Restituto Padilla, unang natuklasan ang pag-iidolo ng mga kabataang bakwit sa Maute/ISIS nang bumisita ang ilang CSOs for peace sa evacuation centers upang makita ang kalaga-yan ng mga kabataan sa unang tatlong linggo ng bakbakan sa Marawi City.
“And it was found out through their sessions that indeed yes, may mga ilan, hindi naman lahat, may iilan lang sa mga miyembro ng kabataan na ang kanilang ina-idolize at ang sinasabi nilang gusto nilang mangyari paglaki nila ay maging parte ng kinakalaban natin diyan. Dahil hindi nila nauunawaan ‘yung mga nangyayari po sa kapaligiran nila. Kaya’t minarapat ng mga organisasyon na ito na ipaliwanag ang mga pagkakataon na ‘to nang maliwanagan ang kaisipan, murang kaisipan ng mga kabataan,” ani Padilla.
Nagsasagawa aniya ng stress debriefing at alternatibong mga aktibidad para sa mga kabataan ang CSOs at AFP upang maintindihan ng mga kabataan na ang kaguluhan sa Marawi City ay hindi kagagawan ng militar.
Ipinaliliwanag aniya sa mga kabataang bakwit na masasamang loob at walang hinangad kundi sirain ang kanilang pa-mayanan, kabuhayan at kaisipan ang hinahabol ng mga awtoridad sa Marawi City kaya naganap ang krisis sa kanilang lugar.
“Alam natin very progressive ang Marawi, very industrious ang ating mga kapatid na Maranao. At ayaw natin magpa-tuloy itong paninira na nangyayari kaya’t kinakailangan matapos ng laban na ito at ‘yan po ang ating sinisikap na gawin,” dagdag ni Padilla.
Sa kasalukuyan, umabot sa 471 terorista, 45 sibilyan at 114 sundalo ang napatay, 576 armas ang nakompiska, at 26 gusali ang “cleared” sa mahigit dalawang buwang Marawi crisis.
(ROSE NOVENARIO)