NAKATANGGAP ng P1.25 milyon ang bawat pamilya ng napatay na sundalo sa bakbakan sa Marawi City mula sa donasyon ng malalaking negosyante sa bansa.
Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pamamahagi ng ayuda sa mga pamilya ng “fallen heroes” sa seremonyang tinaguriang “Salamat Magigiting na Mandirigma: Go Negosyo Kapatid for Marawi” ng Palasyo kamakalawa ng gabi.
Pinasalamatan ng Pangulo ang mga nag-ambag para sa mga bayani kasabay ng pakikidalamhati sa mga naulila nilang pamilya na dumalo sa okasyon.
Isang negosyante na tumangging magpakilala ang nagbigay ng tig-isang milyong piso sa bawat pamilyang namatay kaya’t ang biro ng Pangulo ay sigurado na siyang mapupunta sa langit.
“I would like to extend my sincerest condolences to the families of our troops who perished fighting for the liberation of Marawi. I know that no amount could equal the precious lives of your loved ones. May you find solace in the fact that the whole nation condoles with you in these trying times,” anang Pangulo.
Habang ang mga asawa ng mga miyembro ng gabinete ay nangalap ng tulong mula sa negosyanteng si Manuel V. Pangilinan at iba pa nilang mga kaibigan para ipamahagi sa mga naulilang pamilya, mga pamilya ng mga sugatan at pamilya ng mga nakikipagbakbakan pa rin sa mga terorista sa Marawi City.
Sa panayam kay Marissa Aguirre, maybahay ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre at presidente ng Duterte Cabinet Spouses Association Inc., sinabi niya na ang ginagawa nila para sa mga sundalo ay hindi lang bilang asawa ng mga opisyal ng gobyerno kundi bilang mga mamamayan na nagmamalasakit sa bayan.
Una aniyang nagbigay ng P2 milyon si Pangilinan sa kanilang grupo at ang iba nama’y mula sa mga kaibigan nila.
“Ito bale ‘yung booster natin for the families, hindi natin matutumbasan and we are really proud of one of their family member na nawala, sila ‘yung heroes. Nagpapasalamat tayo na may nagbuwis ng buhay para sa ating bansa. Ngayon natin naramdaman sa administrasyon ito ang pagiging patriotic. Sa atin minsan nawawala ang ganoong pakiramdam, mahalin natin ang ating bansa, iisa tayo, Filipino po tayo, Muslim man o Katoliko, kailangan natin magtulungan. Sana makita natin ang sincerity, gusto talaga namin ang tumulong,” dagdag ni Gng. Aguirre.
Ilan sa cabinet spouses na aktibong lumahok sa gawain ng pangkat ay sina Edith Lorenzana, Marisol Tugade, Kristine Diño, Betty Medialdea , Aloy Lim, at Alelee Andanar.
(ROSE NOVENARIO)