HINIMOK ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Korte Suprema na ipawalang bisa ang temporary restraining order (TRO) sa Reproductive Health Law upang mailarga nang husto ang responsible parenthood.
Sa kanyang ikalawang SONA, sinabi ng Pangulo sa harap ng Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno na inatasan niya si Health Secretary Paulyn Ubial na maghanap ng bansa kung saan puwedeng i-donate ang mahigit P200-M halaga ng birth control pills na binili ng DOH para sa implementasyon ng RH Law.
Sinabi ng Pangulo, sa susunod na buwan ay expired na ang birth control pills na binili ng DOH noong 2015 at sa halip na itapon ito at walang makinabang, ido-donate na lang sa ibang bansa.
Hinimok din ng Pangulo na ipasa ang comprehensive tax reform bill upang mabawasan ang pasanin ng mga manggagawa.
Sakaling lumusot ang comprehensive tax plan sa Kongreso ay hindi na makakaltasan ng income tax ang mga kawani na may buwanang suweldong P20,833.
Nais din ng Pangulo na ipasa ng Kongreso ang National Land Use Act na magtitiyak ng rehabilitasyon ng mga lupaing pinagminahan.
(ROSE NOVENARIO)