SINUMBATAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang maka-kaliwang grupo sa pag-ambush ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa mga kagawad ng Presidential Security Group (PSG) sa Arakan, North Cotabato kamakailan.
Matapos ang kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) kagabi ay lumabas si Duterte sa gusali ng Batasan Pambansa at sinabi sa mga raliyista na wala na silang kakausapin dahil maging ang kanyang PSG advance party ay tinambangan ng NPA.
Sinasabing ang maka-kaliwang organisasyon ay prente ng Communist Party of the Philippines (CPP) at ang NPA ang kanilang armadong grupo.
“Yes, I am ending my talks with the left,” tugon ni Duterte kung tinuldukan na niya ang usapang pangkapayapaan sa kilusang komunista.
“Pati ako, inambush ninyo, wala na kakausap sa inyo,” anang Pangulo sa mga rallyista.
Giit ng Pangulo, walang mangyayari sa kasisigaw nila sa kalsada dahil ang nag-udyok sa kanila na makibaka laban sa gobyerno na si CPP founding chairman Jose Ma. Sison ay nasa The Netherlands naman at may colon cancer na.
Masyado aniyang maraming hinihiling sa kanya ang mga maka-kaliwang grupo gayong isang taon pa lang siya sa poder at itinalaga niya sa kanyang gabinete ang ilang lider nila gaya nina DSWD Secretary Judy Taguiwalo, DAR Secretary Rafael Mariano at NAPC chief Liza Masa.
Tiniyak ni Duterte na siya ay Pangulo ng mahihirap , hindi ng mayayaman kaya’t ibibigay ng kanyang administrasyon ang mga pangangailangan ng mga ordinaryong mamamayan.
(ROSE NOVENARIO)