HABANG kasagsagan ng bakbakan ng mga tropa ng pa-mahalaan at mga terorista mula sa Maute/ISIS group kahapon, sumalisi si Pangulong Rodrigo Duterte para bisitahin ang mga sundalo sa 103rd Brigade Headquarters sa Camp Ranao sa Marawi City.
“Dinig na dinig sa kampo ang putukan habang narito si Pangulong Duterte,” ayon sa source sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Bago mag-3:00 ng hapon dumating ang Pa-ngulo sa Camp Ranao at agad binigyan ng security briefing ng mataas na pinuno ng militar hinggil sa sitwasyon sa lungsod.
Matapos aniya ang security briefing ay kinausap ng Pangulo ang mga sundalo at tiniyak ang kanyang todo suporta sa pakikihamok nila kontra terorismo pati ang mga benepisyong matatanggap nila.
Dakong 4:00 ng hapon, umalis ang Pangulo at bumalik ng Davao City.
Bahagi nang mahigpit na seguridad na ipinairal ay pinagbawalan ang media na makapasok sa loob ng kampo at nagpatupad ng pansamantalang news blackout habang nasa Marawi City ang Commander-in-Chief.
Sa halos dalawang buwan bakbakan sa lungsod ay dalawang beses nagtangkang magtungo ang Pangulo ngunit na-udlot dahil sa masamang panahon.
ni ROSE NOVENARIO