KINANSELA ng administrasyong Duterte ang backchannel talks sa kilusang komunista makaraan tambangan ng 100 rebeldeng New People’s Army (NPA) ang sampung kagawad ng Presidential Security Group (PSG) sa Arakan, North Cotabato kahapon ng umaga.
Inihayag ni Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza ang pagkansela sa backchannel talks na magaganap sana sa mga susunod na araw sa Europe, bunsod ng mga pag-atake ng NPA sa mga tropa ng pamahalaan.
Sinabi ni Dureza, hanggang ngayon ay wala pang kaaya-ayang sitwasyon sa larangan upang ipagpatuloy ang negosasyong pangkapayapaan.
Tumanggi si Dureza na kompirmahin kung ang kanyang pasya ay resulta ng direktiba sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa ulat, isang miyembro ng Citizens Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) ang namatay at limang miyembro ng PSG ang nasugatan nang tambangan sila ng mga rebelde habang patungo sa Cagayan de Oro.
Magsisilbing advance party ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Cagayan de Oro City ang mga kagawad ng PSG sa inaasahang pagbisita ng Commander-in-Chief sa mga tropa ng pamahalaan.
Noong 29 Nobyembre 2016, inambus ng armadong grupo ang convoy ng tropa ng PSG, apat kawani ng Radio TV Malacañang, at isang empleyado ng Media Affairs and Relations Office (MARO) sa Sitio Malupay, Marawi City.
Pangkaraniwan ay may inilalatag na route security ang militar na nakatalaga sa lugar na bibisitahin ng Pangulo kaya’t may ilang veteran Palace reporters ang nagulat na nakalusot ang mga rebelde o armadong grupo sa daan patungo sa lugar na gaganapin ang presidential engagement.
Kaugnay nito, kahapon ng umaga ay namatay ang dalawang kagawad ng Philippine Marines nang tambangan ng mga rebeldeng NPA sa Palawan.
Kamakalawa ng gabi, inatasan ni Pangulong Duterte sina Dureza at government peace panel na huwag ituloy ang formal peace talks sa sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP) hanggang hindi itinitigil ng mga rebelde ang pag-atake sa mga tropa ng pamahalaan sa Mindanao.
“The President directed the government panel negotiating with the National Democratic Front of the Philippines (NDFP) not to resume formal peace talks unless the Reds agree to stop their attacks against government troops in Mindanao,” anang kalatas ng Palasyo hinggil sa nasabing pulong.
Noong nakalipas na Mayo ay kinansela ng gobyerno ang 5th round ng peace talks sa NDFP kahit magkakaharap na sa negotiating table ang magkabilang panig sa The Netherlands.
Nagalit ang GRP panel sa utos ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa NPA na paigtingin ang pag-atake sa mga tropa ng pamahalaan kasunod nang idineklarang batas militar ni Duterte sa Mindanao makaraan atakehin ng Maute/ ISIS group ang Marawi City.
ni ROSE NOVENARIO